Calendar
Direktiba ni PBBM laban sa vape products pinalakpakan ni Valeriano
IKINAGALAK ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang ibinabang direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. laban sa illegal na paggamit ng vape products kabilang na ang sigarilyo na kasalukuyang kinahuhumalingan ng mga kabataan.
Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na sa pamamagitan ng ibinabang kautusan ni Pangulong Marcos, Jr. nais lamang nitong ipakita ang kaniyang malasakit ang para sa mga kabataan na unti-unting nalululong sa paggamit ng vape products at sigarilyo.
Ayon kay Valeriano, ang nasabing direktiba ng Pangulo ay maituturing din na pamamamaraan para tuluyang masagip ang mga kabataan mula sa pagkumaling sa paggamit ng vape products. Kung saan, madali na para sa kanila ang makabili ng naturang produkto sa merkado.
Ikinatuwiran pa ni Valeriano na malaya ang mga negosyante ng vape na maibenta ang kanilang mga produkto. Sapagkat hindi naman sila nagbabayad ng tax para dito. Kaya ang mga kabataan ang nagiging “collateral damage” dahil madali silang nakakabili ng vape sa murang halaga.
Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos, Jr. ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na gawin ang lahat ng kanilang makakaya o ma-exert ng kanilang effort upang sawatain ang mga illegal traders ng vape at sigarilyo. Ibinebenta man nila ang mga ito sa tindahan o sa online.
Iminumungkahi din ng kongresista sa gobyerno ang paglulubsad ng isang one-time big time na crackdown o isang malawakang pagsawata laban sa manufacturers ng vape o mas kilala din bilang e-cigarettes upang mapangalagaan ang mga kabataan na siyang nangungunang parokyano ng nasabing produkto.
“Ang nais nating sagipin dito ay yung mga kabataan na unti-unti ng nalululong sa vape. Kaya tayo ay nalulugod sa naging kautusan ng ating Pangulo dahil ang priority na rito ay ang kapakanan ng ating mga kabataan. Isa pa, wala naman binabayaran tax ang mga gumagawa ng vape,” sabi ni Valeriano.