Discaya

Discaya hinamon si Mayor Sotto ng charity war

85 Views

HINAMON si Mayor Vico Sotto ni Pasig mayoralty aspirant Sarah Discaya ng “charity war” kung hindi umano handa ang alkalde sa isang “peace covenant.”

Isang press statement ang ipinalabas ni Discaya na nakasaad ang umano’y pagka-dismaya sa naging tugon ng alkalde sa alok ng kanilang pamilya na kasunduan para sa mapayapang pangangampanya at halalan sa Mayo 2025.

Ang nakalulungkot umanong sagot sa media ni Sotto ay lihis sa inaasahang asal sa isang lingkod-bayan na dapat siyang pasimuno sa pag-ayos ng mga hindi pagkakaunawaan sa kanyang nasasakupan.

“Kung hindi pa handa ang butihing alkalde sa maagang “peace covenant” ay magsisikap pa rin kami na maging masigla, mapayapa at kapaki-pakinabang sa mga Pasigueño ang paparating na electoral campaign sa lungsod,” saad ni Discaya.

At iyan umano ay maisakatuparan kung pumayag si Mayor Sotto sa hamon ng pamilya Discaya na isang “charity war.”

Ipinaliwanag ni Discaya na sa “charity war” ay ang mamamayan ng Pasig ang makikinabang sapagkat ang unang bahagi umano nito ay ang tanggapin dapat ni Mayor Sotto ang naunang alok ng kanilang pamilya na sila ang gagawa ng detailed engineering design para sa controversial na P9.62 bilyong new City Hall complex, na ayon sa planong inaprubahan ng alkalde ay babayaran mula sa buwis ng mamamayan ng mahigit P855 milyon.

“Pero bilang ‘act of charity’ ay ido-donate namin ang nasabing P855 milyon para sa pagpapagawa ng bagong ospital na kumpleto sa medical facilities at mga gamot.

Ang hinihiling ni Discaya na sagot ni Mayor Sotto sa “charity war” ay ang pagpapaliban muna ng alkalde ng apat o limang taon sa procurement ng P1.3 bilyong Information Technology Systems na ilalagay sa ipinatatayong bagong City Hall.

“Ang alokasyon na P1.3-B para sa IT Systems ay pwedeng gamitin muna sa mga proyektong higit na kailangan ng mga Pasigueño, lalo na yung nasa maralitang sektor,” sabi pa ni Discaya.

Idinagdag ng mayoralty aspirant na hindi tamang paggasta ng pera ng taumbayan ang agarang pagbili ng mahigit bilyon-pisong IT Systems kung ang installation at gamit naman nito ay kapag natapos na ang construction ng mga bagong gusali ng City Hall na iyon ay tinatayang sa 2029 pa.

“Kung pumayag ang butihing alkalde sa mga nabanggit na ‘acts of charity,’ na ang makikinabang ay ang mga Pasigueño, ay agad naming ihahanda ang design engineers at technical staff ng aming construction company para sa paglikha ng disenyo ng bagong City Hall complex,” pagtatapos na pahayag ni Discaya.