Dy

Discount sa matrikula, libro, atbp. isinusulong

Mar Rodriguez Sep 14, 2023
145 Views

ISINUSULONG ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy na mabigyan ng discount sa matrikula, pagkain, gamot, uniporme sa
paaralan at iba pang mga pangangailangan ang mga mahihirap na estudyante o ang mga tinatawag na underprivilege students.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 1209 na isinulong ni Dy sa Kamara de Representantes na naglalayong mabigyan ng 5% discount sa libro, uniporme, kagamitan sa eskuwelahan at iba pa ang mga underprivilege na estudyante o ang mga mag-aaral na pinagkaitan ng magandang kapalaran.

Sinabi ni Dy na malaking tulong ang maibibigay ng kaniyang panukalang batas para matulungan ang mga mahihirap na estudyante na makapagpatuloy parin ng kanilang pag-aaral sa gitna ng iniinda nilang kahirapan.

Kapag naging ganap na batas, naniniwala ang kongresista na bahagyang mababawasan ang illiteracy sa bansa dala ng problema sa edukasyon ng ilang magulang na nahihirapang makapagpa-aral ng kanilang mga anak bunsod ng kanilang kahirapan at kakapusan sa pananalapi.

Dahil dito, tiniyak ni Dy na tututukan nito ang House Bill No. 1209 upang maipasa sa lalong madaling panahon o bago matapos ang kasalukuyang taon (2023) para makatawid ang mga mahihirap na mag-aaral sa kanilang kahirapan.