bro marianito

Diyos nakikita sa taong may puso, may malasakit

217 Views

Ang kasalanan at tukso ay hindi mag-aanyong pangit kundi maganda. Kaya’t lalong nahuhulog at nagkakasala ang tao (Mt. 4:1-11)

Ang Diyos ay hindi Natin pisikal na makikita sa Langit. Kundi sa bawa’t taong may puso at malasakit na gaya ni Kristo (Mt. 25:31-46)

NAPANOOD ko sa TV ang interview tungkol sa isang taong hindi naniniwala sa Diyos.

Para sa Kaniya, kung talagang may Diyos, sana’y natuklasan o nakita na ng mga astronaut ang Kalangitan kung saan naroroon ang Diyos.

Kaya naninindigan Siya na talagang walang Diyos. Subalit ang Panginoong Diyos na siyang lumikha sa mundo at sa lahat ng nilalang ay hindi talaga Natin pisikal na makikita at matatagpuan sa Kalangitan.

Kundi ito’y makikita at matatagpuan Natin sa bawat taong may pusong gaya ng Ating Panginoong Diyos na nakahandang magbigay at tumulong sa mga taong nagugutom, magpainom sa mga nauuhaw, magpatuloy sa mga walang matirhan, kumalinga sa mga may sakit at dumalaw sa mga nasa bilangguan.

Ganito ang Ating mababasa sa Mabuting Balita ngayon (Mateo 25:31-46) tungkol sa kuwento ng “Ang Paghuhukom” kung saan tinipon at pinagbukud-bukud ng Hari ang lahat ng tao.

Katulad nang ginagawa ng Pastol sa mga tupa at kambing, inilagay Nito sa Kaniyang kanan ang mga tupa at ang mga kambing naman ay inilagay Nito sa Kaniyang kaliwa.

Ang mga tupa ay makakapasok sa Kaharian ng Ating Panginoon dahil sa kabutihang ginawa Nila sa Kanilang kapwa na parang sa Diyos Narin Nila ito ginawa.

“Tandaan Niyo. Nang gawin Ninyo ito sa isa sa mga Alagad ko, Siya man ang pinakahamak. Ako ang inyong tinulungan”.

Samantalang ang mga nasa kaliwa naman ay hindi makakapasok sa Kaharian ng Panginoon dahil sa pagkakait Nila ng tulong sa mga taong nangangailangan na parang sa Diyos Narin Nila ito ginawa.

Kung ang pananaw ng iba ay walang Diyos, naniniwala tayo na mayroong Diyos at ito’y buhay na buhay sa pamamagitan ng mga taong nakahandang tumulong sa mga taong nangangailangan.

Sa oras na humarap na tayo sa Panginoon sa Kaniyang Kaharian gaya ng mababasa Natin sa Ebanghelyo.

Hindi naman Niya itatanong kung ano ang mga naging achievements Natin sa buhay habang tayo ay nasa ibabaw ng lupa.

Kung anong kurso ang natapos Natin. Kung ano ang Ating profession at kung ano ang Ating Katungkulan.

Ang itatanong ng Panginoong Diyos sa Atin ay kung ano ang naging “achievements” Natin para matulungan ang mga taong naghihirap, nagugutom, nauuhaw, walang tahanan at walang maisuot na damit gaya ng mga taong nasa kanan na kumalinga at tumulong sa Kanilang kapwa.

Hindi naniniwala ang iba na may Diyos sapagkat may mga taong katulad ng nasa kaliwang bahagi ng Hari sa Ating Pagbasa na nagkait ng tulong at naging bulag sa mga pangangailangan ng Kanilang kapwa.

Hindi Nila ipinadama sa mga taong ito ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan din Nila.

Hindi Sila naging kapwa sa mga taong ito para maramdaman ng mga taong mahihirap na may Diyos at maramdaman Nila ang kabutihan ng Panginoon.

Mararamdaman ang presensiya ng Diyos at ang Kaharian ng Panginoon sa pamamagitan ng mga taong may busilak na kalooban na hindi magkakait ng tulong para sa Kanilang kapwa ngayong panahon ng pandemiya kung saan marami ang nawalan ng trabaho at hanap buhay.

Ang mga nagtatrabaho sa mga restaurants at iba pang food establishments na nagsara nang dahil sa lockdown, wala na Silang kabuhayan. Ipinaramdam ba Natin sa mga taong ito ang Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa Kanila?

Ipinadama ba Natin sa Kanila ang kabutihan ng Panginoong Diyos? Ipinaramdam ba Natin sa Kanila ang Langit?

Naging tulad ba tayo ng mga tupa o kambing?

AMEN