Calendar

Dizon nangakong bigay mga Pinoy ng mas magandang transportasyon
NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat si Transportation Secretary Vince Dizon sa Commission on Appointments (CA) matapos siyang opisyal na makumpirma sa posisyon noong Hunyo 3, 2025.
Kasabay ng kanyang kumpirmasyon, tiniyak niyang pagtutuunan ng pansin ang mga pangunahing isyu sa Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.
“I am honored by the trust given to me by the Commission on Appointments,” ani Dizon. “This is a serious responsibility, and I will work to deliver a better transportation system for all Filipinos.”
Ang kanyang kumpirmasyon ay dumating sa panahong maraming tanong at pag-aalinlangan ang bumabalot sa implementasyon ng PTMP, na dating kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program.
Sa pagharap niya sa CA, inamin ni Dizon na hindi sapat o praktikal ang kasalukuyang anyo ng programa.
Tinukoy niyang maraming jeepney operators ang hindi nakakabayad ng kanilang mga loan matapos kumuha ng modernong unit.
“That alone shows the program is not viable as it stands,” ani Dizon. Ipinaliwanag niyang itinigil na ng mga bangko ng gobyerno ang pagpapautang sa ilalim ng programa dahil sa sobrang taas ng halaga ng mga sasakyan—nasa ₱2.5 hanggang ₱2.8 milyon bawat unit—kahit pa may 15% na subsidiya, ay hindi pa rin abot-kaya para sa karamihan ng mga driver at kooperatiba.
Batay sa datos na kanyang inilatag, 40% pa lamang ng mga operator ang nakapagsanib-puwersa, habang 20% pa lang ng itinakdang route rationalization ang naipatutupad.
Binigyang-diin ni Dizon na kailangang isa-isang tugunan ang mga problemang naipon sa pagpapatupad ng programa sa mga nagdaang taon.
Kinilala naman ni Senadora Grace Poe ang kanyang pagiging tapat sa pagbibigay ng impormasyon, at binanggit na si Dizon ang naglatag ng “most realistic numbers” hinggil sa isyu.
Ayon sa kanya, higit ₱5 bilyon sa ₱15 bilyong pondo para sa pautang ng gobyerno ay nananatiling hindi nababayaran.
Samantala, sinang-ayunan ni Dizon ang mungkahi ni CA Majority Floor Leader Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr. na dapat palawakin ang merkado ng mga suppliers upang bumaba ang presyo ng mga sasakyan.
Sa kasalukuyan, ang mga operator at kooperatiba ay limitado lamang sa mga accredited suppliers at lenders tulad ng Land Bank at Development Bank of the Philippines.
Gayunpaman, nilinaw ni Dizon na hindi ipatitigil ang programa.
“The program will continue. We will support those who have already consolidated to make the system viable,” aniya. “At the same time, we have to ensure that those who were not able to join can still earn a living.”
Dagdag pa niya, makikipagtulungan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga bangko upang muling buksan ang pautang at tulungan ang mga operator na makapagpalit ng kanilang mga lumang unit.
“We will provide the support needed and create restructuring plans to make loan repayments manageable in the long term,” pahayag pa ni Dizon.
Pormal na pinagtibay ng kumpirmasyon ang kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng Transportasyon, na una niyang ginampanan bilang acting secretary simula noong Pebrero 21, 2025.
Pinalitan niya si dating DOTr Secretary Jaime Bautista, na nagbitiw sa tungkulin dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan.