Calendar

DML Ortega ipinagtanggol pamumuno ni Speaker Romualdez
IPINAGTANGGOL ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na nagsisilbi umanong gabay at inspirasyon ng mga mambabatas na independyenteng nagagawa ang kanilang mandato alinsunod sa Konstitusyon.
Ang pahayag ni Ortega ay tugon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagpapahiwatig na ang mga miyembro ng Kamara ay basta na lamang sumusunod sa liderato ni Speaker Romualdez, at iginiit na bawat miyembro ng Kamara ay may sariling paghusga habang kumukuha ng inspirasyon at gabay mula sa Speaker.
“Ang Speaker ay ang leader namin dito sa Kamara. He’s our source of guidance and inspiration. Pero sabi ko, at the end of the day, nandiyan po ang Constitution. At kami po ang mga congressman, meron naman po kami kanya-kanyang pananaw, meron po kaming kanya-kanyang opinyon at gaya po ng opinyon ng mga counterparts namin sa Senate, nere-respeto rin po namin sila at dapat respetuhin din po nila ‘yung opinyon namin dito sa Kamara,” ani Ortega.
Ipinaliwanag niya na kailanman ay hindi ipinilit ng Speaker ang kanyang kagustuhan sa mga miyembro ng Kamara at ang kanilang mga pananaw ay bunga ng mandato mula sa kanilang mga nasasakupan.
“Wala pong inuutos sa amin si Speaker. Wala,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, ang mga kongresista ay nagsasalita base sa sarili nilang paniniwala at karanasan, at hindi dahil inuutusan lamang sila.
“May kanya kanyang pong pag-iisip ang mga congressman. At siguro naman po, hindi naman po tatagal ng ganyan yung mga kasama nating dito sa Kamara, hindi naman po tatagal sa kanya-kanyang po kasing districts…kung susunod na lang po sila sa isang utos. Kailangan po ang desisyon natin at the end of the day nanggagaling po sa mandato ng taong-bayan,” sabi pa niya.
Muling pinagtibay ni Ortega ang paninindigan ng Speaker sa mga prosesong nakasaad sa Konstitusyon, partikular na kaugnay sa papel ng Senado sa pagdinig ng impeachment trial kay Pangalawang Pangulo Duterte.
“The Speaker is our source of inspiration and our mentor and our guiding light. Siya po ang leader natin dito sa Kamara…At nag-statement naman na po ang ating Speaker na sinabi na po niya, it is with the sound discretion of the Senate,” giit ni Ortega.
Tungkol sa pagdinig ng Senado sa impeachment trial, binigyang-diin niya ang Konstitusyon bilang pinakamataas na batayan.
“Yung comment ko naman po regarding po doon sa trial, matibay po ang Constitution at nandyan po ang ating Constitution at the Senate must try. Kahit ano po ang mangyari ang Senado po ay kailangan ipagpatuloy ‘yung trial,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa resolusyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na naglalayong ibasura ang reklamo nang hindi na dinidinig, sinabi ni Ortega na ito ay isang kolektibong desisyon ng Senado.
“Nasa kanya po ‘yun, kung gusto niyang i-file. Pero hindi ko po alam kung paanong treatment nila sa Senate doon…Siguro they have to talk amongst themselves. Sila po ‘yun eh, they have to police themselves, they have to talk amongst themselves. Hindi po siguro tama na may kanya kanya. Collegial body po tayo, syempre may kanya-kanyang interes, may kanya-kanyang opinyon, may kanya-kanyang gustong gawin, pero at the end of the day, pagde-disyunan po nila ‘yan as a body,” paliwanag ni Ortega.
Muling pinagtibay niya ang paniniwala sa proseso at umasa na kikilos ang Senado ayon dito.
“Kailangan nilang sundin ‘yung proseso. Inaantay lang po natin ‘yun. At may confidence na tayo sabi ko, ang pinangagalingan po ng ating kumpiyansya is ‘yung Constitution…Sabi ko nga, very optimistic ako dito sa mga mangyayari. Pinaghuhugutan ko ng lakas ‘yung ating Constitution…ang Constitution nandiyan para protektahan ang taong-bayan,” dagdag niya.
Aminado si Ortega na maaaring may pagkakaiba sa mga takdang oras ng mga institusyon, ngunit nanatiling positibo ang kanyang pananaw sa sistema.
“We’re all on the same boat. Siguro may timeline, may mga timeline lang tayo na hinahabol. Alam naman po natin na ilang araw na lang, meron din po mga kanya-kanya na schedule. But again, confident po ako na ‘yung schedule will be followed,” aniya.