Valeriano

DMW, DFA hinimok pag-aralan kasunduan ng PH, South Korea

Mar Rodriguez Jan 19, 2024
159 Views

HINIHILING ng isang Manila congressman sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralan at suriing mabuti ang “agreement” sa pagitan ng Pilipinas at South Korea patungkol sa pagta-trabaho ng mga Pilipino sa naturang bansa bilang mga “seasonal workers”.

Ipinaliwanag ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na magkakaroon na ng pagkakataon ang DMW at DFA na rebyuihin ang nasabing kasunduan matapos maglabas ng moratorium ang DMW.

Sinabi ni Valeriano na inilabas ng DMW ang kanilang moratorium para suspendihin ang pagpapadala ng mga Pilipino sa South Korea na naninilbihan bilang mga seasonal agricultural workers batay sa LGU-to-LGU agreement sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.

Gayunman, binigyang diin ni Valeriano na wala naman masama kung magtrabaho sa South Korea ang mga Pilipino bilang seasonal workers. Subalit ang problema lamang aniya ay nakakaranas ang mga nasabing manggagawa ng pagmamalabis o pang-aabuso mula sa kanilang employer.

Binigyang diin ni Valeriano na batay sa nakalap niyang impormasyon ang mga seasonal agricultural workers ay hindi pinapakain ng sapat, wala silang maayos na tulugan, pinagta-trabaho ng lampas sa oras na napag-kasunduan at nakakaranas sila ng pang-aabuso.

Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na habang pinapatupad ang moratorium. Ito naman ang tamang pagkakataon o “timing” para masusing pag-aralan o rebyuhin ng DMW at DFA kabilang na din ang Department of Interior and Local Government (DILG) para suriin ang agreement.

Ayon kay Valeriano, ang pagkakaroon ng rebyu o pagre-repaso sa nasabing agreement ay naglalayong mapangalagaan ang interes at kagalingan o welfare ng mga Pilipino. Sa halip na maghintay na lamang ang pamahalaan na may Pinoy ang mapahamak sa kamay ng kanilang mga employer.