Lebanon Help Desk Source: DMW

DMW inihahanda chartered flight para maiuwi OFW sa Lebanon

Chona Yu Oct 2, 2024
54 Views

INIHAHANDA na ng Department of Migrant Workers ang isang chartered flight para maiuwi sa bansa ang may 300 Filipinos na naiipit sa gulo sa Lebanon.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na nasa P25 milyon ang gagastusin ng gobyerno para sa chartered flight.

Paliwanag ni Olalia, sadyang mahal ang chartered flight sa Lebanon dahil sa special flight ito dulot ng pambobomba ng Israel.

Sa ngayon aniya, hinihintay na lamang ng gobyerno ng Pilipinas na maaprubahan ang landing rights ng pamahalaan ng Lebanon.

Mayroon aniyang 111 Filipinos ang nasa apat na shelters sa Beirut at handnag umuwi na sa Pilipinas.

Mayroon din aniyang 100 Filipinos ang tinutulungan ng pamahalaan na mabigyan ng exit permits mula sa Immigration officials ng Lebanon.

Ayon kay Olalia, bukod sa chartered flight, pinag-aaralan na rin ng gobyerno ang alternabong pamamaraan para maiuwi ang mga Filipino mula sa Lebanon gaya ng sea at land route.

May kinakausap na aniya ang gobyerno na limang maritime companies na maaring sakyan ng mga filipino.

Ayon kay Olalia, may lima hanggang 10 Filipino workers pa ang naiipit at hindi pinapayagan ng kanilang mga employer na makaalis.

Matatandaan na may 15 Filipino ang nakatakda na sanang umuwi sa Pilipinas noong Setyembre 25 subalit nakansela dahil umatras ang airline company na bumiyahe dahil lumalala na ang gulo sa Lebanon.

Sa ngayon, nasa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Lebanon. Ibig sabihin ay voluntary repatriation ang mga Filipino roon.