DOF Source: FB file photo

DOF hinimok palakasin pag-uusig vs smugglers ng illegal na yosi, vape

10 Views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Finance (DOF) na paigtingin ang pag-uusig sa mga smuggler at mga gumagawa ng illicit trade o ipinagbabawal na kalakalan o pagbebenta ng mga sigarilyo at vapor products upang mabawasan, kung hindi man mapuksa ang naturang ilegal na aktibidad.

Binigyang-diin ng senador na dapat balikan ng DOF, kasama ang mga attached agencies nito –Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs — ang kanilang mga estratehiya para makakuha ng convictions laban sa mga nahuli sa smuggling at ipinagbabawal na kalakalan.

“Iminumungkahi ko sa DOF, BIR, at BOC na repasuhin ang mga proseso para makakuha ng conviction. Maaari natin sabihan ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas na magsagawa ng mga operasyong entrapment at hadlangan ang lahat ng ipinagbabawal na kalakalan,” ani Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado na isinagawa ng Committee on Ways and Means sa isyu ng illicit trade.

Mula 2017 hanggang 2024, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nagsampa ng 29 na kaso sa Department of Justice na may tinatayang tax liability na P9.9 bilyon. Sa pigurang ito, 13 kaso ang naisampa sa korte. Gayunpaman, hindi pa nakakakuha ng pinal na paghatol ang BIR sa alinman sa mga kasong isinampa sa korte.

Ang Bureau of Customs (BOC) naman ay nagsampa ng kabuuang 62 kaso mula 2018 hanggang 2024 kaugnay sa smuggling ng mga ipinagbabawal na sigarilyo na may kabuuang dutiable value na P2.255 bilyon. Sa 62 na kaso, 12 kaso ang nasa ilalim ng preliminary investigation, 40 ang nasa automatic review ng justice secretary, 2 ay para sa pagsasampa sa korte, 4 ang naisampa sa korte, 1 ang na-dismiss, 1 ang nagresulta sa acquittal, at 1 ang nagresulta sa isang conviction.

Ayon kay Gatchalian, masyadong mababa ang conviction rate laban sa mga smuggler para pigilan ang mga salarin sa paulit-ulit na pagkakasala.

“Kung walang nakukulong, walang natatakot. Kung walang natatakot, tuloy-tuloy lang ang ligaya dahil sa mataas na kita nila dito na umaabot ng mas malaki pa ng tatlo o apat na beses sa kita ng mga lehitimong negosyo,” aniya.

“Kailangan nating makakuha ng mas marami pang conviction para makapagbigay ng isang malakas na mensahe na seryoso ang gobyerno sa pagtugon sa isyung ito at sa kalaunan, mahuhuli ang mga indibidwal o grupo na patuloy na gumagawa ng mga kriminal na aktibidad na ito,” diin niya.