Pacquiao

DOH dapat siguraduhin na may sapat na pondo para sa operasyon ng mga health centers -Pacquiao

Mar Rodriguez Mar 20, 2025
27 Views

TACLOBAN CITY – Iginigiit ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na dapat tiyakin ng Department of Health (DOH) na may sapat na pondo para sa operasyon ng mga Health Centers sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang hindi madiskaril ang pagbibigay nito ng serbisyo.

Pagbibigay diin ng tinaguriang “Pambansang Kamao” na hindi dapat madiskaril ang operasyon ng mga Health Centers lalo na sa mga lalawigan gaya ng Leyte dahil maraming mahihirap na payente ang umaasa sa serbisyong medikal na ipinagkakaloob nito.

Paliwanag ni Pacquiao na bagama’t ang national government ang namamahala sa pagpapatayo ng mga Health Centers infrastructures subalit ang Local Government Units (LGUs) naman ang nagpapatakbo at nagpo-pondo sa operasyon ng mga ito.

Ayon kay Pacquiao, dahil naiiwan sa mga LGUs ang responsibilidad sa pagpo-pondo para sa operasyon ng mga Health Centers. Kadalasan ay nagiging mabigat para sa mga LGUs ang pamamahala sa mga Health Centers lalo na sa mga mahihirap na munisipaliad.

Bilang dating kongresista ng General Santos City, sabi pa ni Pacquiao na naiintidihan nito kung bakit maraming LGUs ang tumatangging magkaroon ng Super Health Centers sa kanilang lugar sapagkat sila ang gagastos para sa suweldo ng mga doktor at nurse.

Dahil dito, iminumungkahi ng dating Senador na marahil ay kinakailangang magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng Health Department at LGUs para masusing pag-usapan at pag-aralan ang magiging sistema sa operasyon ng mga Health Centers sa iba’t-ibang lalawigan.

Samantala, gaya ng kaniyang mga kasamahan sa APBP. Nagpahayag din ng kahandaan si Pacquiao na tumulong para magkaroon ng pondo para sa pagpapalakas ng science education sa Eastern Visayas bilang suporta sa plano ng Department of Science and Technology (DOST) na I-develop ang rehiyon bilang science tourism destination.