DOH

DOH inatasan na palakasin kampanya kontra malnutrisyon

Chona Yu Dec 3, 2024
9 Views

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Health na paigtingin pa ang kampanya ng pamahalaan laban malnutrisyon.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang direktiba matapos pangunahan ang sectoral meeting kung saan partikular na tinalakay ang undernutrition, micronutrient deficiency at obesity sa hanay ng mga bata.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na ipinag-utos din ni Pangulong Marcos na pangunahan ng National Nutrition Council (NNC) ang kampanya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN).

Ayon kay Herbosa, noong 1974 pa itinatag ang NNC na isang multiagency strategic council na kinabibilangan ng DOH bilang chair at Department of Agriculture at Department of Interior and Local Government (DILG) bilang vice chair.

Aniya, may malaking pondo ang gobyerno para sa undernutrition kung saan kasama rito ang school age feeding program ng Department of Education (DepEd); pondo ng DSWD para sa preschool kids; at budget para sa first 1,000 days ng DOH.

Paliwanag ni Herbosa, nabanggit din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng NNC kaya’t importanteng mapalakas pa ito.

Dagdag pa ng kalihim, batid ng Pangulo na magkaugnay ang health at nutrition.

Kaya noong gobernador pa aniya ang punong ehekutibo ay napunta sa kalusugan at nutrisyon ang tatlumpung porsiyento ng kabuuang pondo ng lalawigan ng Ilocos Norte.