Calendar

DOH nakalinyang imbestigahan ng Senado
MAGI-imbestiga ang Senado laban sa Department of Health (DOH) kasunod ng ulat ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing mahigit P11.18 bilyong halaga ng gamot, medisina, at medical supplies ang nag-expire noong 2023 nang hindi nagamit.
Isinumite ni Sen. Joel Villanueva ang Senate Resolution No. 1326 na nananawagan ng pagsisiyasat sa sistema ng procurement at inventory management ng DOH.
Binigyang-diin ni Villanueva na ang nasayang na pondo napakinabangan sana ng milyun-milyong Pilipino, lalo na ng mga umaasa sa tulong ng gobyerno.
“The funds wasted on expired healthcare products could have been better utilized to ease out-of-pocket healthcare expenses of millions of Filipinos,” ayon sa resolusyon.
Bilang tugon sa mga natuklasan ng COA, kinilala ng DOH ang mga mungkahi at nagpahayag ng kanilang intensiyon na paigtingin ang kanilang mga sistema.
Ayon sa ahensya, nagsasagawa na sila ng mga hakbangin upang paghusayin ang procurement, storage at inventory ng mga bakuna at iba pang medical supplies upang hindi na muling masayang ang mga ganitong gamot na dapat nakatutulong sa sambayanan.
Nananawagan naman ang mga public health advocates ng mas mataas na transparency at kahusayan sa operasyon ng DOH upang maiwasan ang patuloy na pag-aaksaya ng pondo.
Binigyang-diin nila na ang bawat pisong ginagastos sa kalusugan dapat direktang mapunta sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang lunas.