Roman Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman

DOJ HAYAANG MAGDESISYON

31 Views

Ukol sa pagbabanta ni VP Sara kay PBBM

DAPAT umanong hayaan ang Department of Justice (DOJ) na tukuyin kung mayroong criminal liability si Vice President Sara Duterte sa ginawa nitong pagbabanta kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kahit na kasama pa ito sa mga alegasyon sa inihaing impeachment complaint.

Iginiit ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman ang hiwalay na kapangyarihan ng Kongreso, na siyang didinig sa impeachment complaint, at DOJ na nag-iimbestiga sa ginawang pagbabanta ni Duterte.

“That is a totally separate and independent process, kanya-kanya tayo ng trabaho. Basta as far as we are concerned, we have a mandate to process this impeachment complaint,” sabi ni Roman.

Ayon sa chairperson ng House committee on women and gender equality, magkahiwalay ang trabaho ng dalawang sangay ng gobyerno na maaaring gampanan ang kani-kanilang trabaho.

“We’re not the ones who are going to tell the Justice Department to do their work. But we should let our government agencies do their work freely, independently, with transparency, with honesty,” dagdag pa ni Roman.

Ganito rin ang sinabi ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

“Importante para sa mga tao na maunawaan ang pagkakaiba ng proseso ng DOJ at ‘yung ginagawa ho natin sa Kongreso,” ani Acidre, chairperson ng House committee on overseas workers affairs.

Dagdag pa nito, “Sa DOJ po ito’y separate na proseso ng ehekutibo, involving the criminal liability ng Vice President. Iba po ito sa impeachment process sa Mababang Kapulungan, which is a politically legislative procedure.”

Sa inihaing impeachment complaint ng civil society at religious groups noong Lunes, inakusahan nila si Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust at iba pang high crimes.

Kasama sa mga alegasyon ang pagbabanta ni Duterte sa mga matataas na opisyal ng bansa.

Sa isang online press conference, sinabi ni Duterte na mayroon itong kinausap na papatay kina Marcos, sa First Lady at Speaker Romualdez kapag siya ay namatay.