Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

Dokumentaryo laban kay Alice Guo imbestigahan

86 Views
Guo
Dating Bamban Mayor Alice Guo

SI Alice Guo aka Guo Hua Ping ba ay isang Chinese spy?

Ito ang tanong na binigyang-diin matapos na manawagan si Sen. Risa Hontiveros, na namumuno sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality, para sa masusing imbestigasyon kaugnay sa kaso ni Alice Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, matapos ilabas ng Al Jazeera ang isang dokumentaryo na nag-uugnay sa kanya bilang ahente ng Chinese state security.

Sa isang pagdinig sa Senado, ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang pagkabahala sa mga rebelasyon at binigyang-diin ang seryosong implikasyon nito sa pambansang seguridad.

Nanawagan siya sa kanyang mga kasamahan na gawing prayoridad ang isyung ito.

“Around two weeks ago, Al Jazeera came out with a documentary that made stunning revelations about Guo Hua Ping alias Alice Guo. The revelations were stunning, and pertinent to the subject of this investigation. Kung inyo pong maalala, nailutang na natin ang posibilidad na ang dati nating kilalang si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac ay nagtatrabaho para sa interes ng dayuhang bansa,” ani Hontiveros.

Kailangan aniya ng masusing pagsusuri at sinabing matagal nang pinaghihinalaang may koneksyon si Guo sa mga dayuhang interes, ngunit hindi ito kailanman nakumpirma.

“When the Al Jazeera documentary came out, hindi pwedeng hindi natin ito ungkatin nang mas malalim,” dagdag ni Hontiveros, na iginiit na ito’y usapin ng pambansang seguridad.

Inamin ni Hontiveros na ang kanyang team ay nakipagugnayan sa mga pangunahing tauhan na binanggit sa dokumentaryo, gaya ni She Zhijiang, isang gambling tycoon na nakakulong sa Thailand, na nagbigay ng mahalagang impormasyon ukol sa ugnayan ni Guo sa China’s Ministry of State Security (MSS).

Bagama’t nagkaroon ng mga diplomatikong hadlang sa direktang komunikasyon kay She, nakipagugnayan ang opisina ni Hontiveros kay Wang Fugui, dating kasama ni She sa kulungan.

Si Wang, na pamilyar sa mga operasyon ni She ukol sa espiya, ay nagbahagi ng mahalagang impormasyon tungkol kay Guo na kanilang iprinesenta sa Senado.

Sa isang Zoom interview na ipinalabas sa Senado, inilahad ang ilang impormasyon na naguugnay kay Guo Hua Ping bilang ahente ng pamahalaang Tsino.

Kinumpirma ni Wang na nasangkot si Alice Guo sa mga aktibidad ng espiya ng Tsina at sinabing, “She was a Chinese spy, but not a special one,” batay aniya sa mga classified files na nasa pagiingat ni She.

“The content of the declassified file kept by Mr. She is large, and I only have declassified a portion under his authorization. She was a spy, but not a special one. It just happens there is a copy of her state security background there,” pahayag ni Wang sa opisina ni Hontiveros sa pamamagitan ng Zoom interview.

“Actually, Mr. She has a lot of confidential files. And I only authorized him to decrypt some of them. Guo Hua Ping [Alice Guo] is a special case. It’s just that there’s a file with her national security background in it. His situation is very similar to that of Mr. She. That’s all I can say because I’m not Mr. She,” ani Wang sa Zoom interview kung saan ay ipinaliwanag niya rin na ito ay batay sa nilalaman ng mga classified files ni She.

Ayon kay Wang, ang mga file na ito ay naglalaman ng malinaw na ebidensya ng papel ni Guo sa mga operasyon ng Chinese intelligence.

“These questions need to be asked to Mr. She himself. Because he’s the main informant. When the Chinese government recruits foreign spies, there are many spies who collect intelligence. But there are also many who seek political and economic benefits for the Chinese government,” dagdag ni Wang.

Ang testimonya ni Wang ay nagpapatibay sa mga hinala ukol sa mga aktibidad ni Guo bilang espiya. Ani Hontiveros, ito’y seryosong usapin ng pambansang seguridad. Nagbabala siya na ang pagkakasangkot ni Guo ay maaaring nagpapahiwatig ng mas malawak na operasyon ng espiya ng Tsina na nakatuon sa Pilipinas.

Binigyang pansin din ni Hontiveros ang mga kamakailang internasyonal na insidente ng espiya ng Tsina, kabilang ang pagkakahuli ng mga espiya sa Germany at Australia, upang ipakita ang lumalaking banta ng panghihimasok ng mga dayuhan.

“Kamakailan lang ay sumabog ang balita na may nahuli na namang Chinese spy sa Germany, iba pa ito sa nahuli sa Australia,” dagdag niya at sinabing kailangan ang agarang imbestigasyon.

Sa kanyang huling pahayag, iniuugnay ni Hontiveros ang mga umano’y aktibidad ng espiya ni Guo sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at nagbabala na ang mga operasyong ito ay maaaring sinamantala ng mga dayuhang interes.

“Ito po ang malinaw pa sa sikat ng araw: Ang POGOs ay gumamit ng LGU officials at law enforcement, may indications na ginamit rin sila ng foreign interests, at pugad ng mga sindikato,” aniya.

Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na “wala talagang lihim na hindi nabubunyag” habang kanyang inulit ang mga alalahanin ni Hontiveros, na nagbabala tungkol sa posibleng presensya ng mga “Chinese sleeper agents” sa bansa.

Si Estrada, na namumuno sa Senate committee on national defense and security, ay binigyang-diin ang kahalagahan ng mga rebelasyong ito.

“Could this be a confirmation of what we have suspected all along that our country now has Chinese ‘sleeper agents’ in our midst? Or could this revelation be just a ploy or another propaganda?” tanong ni Estrada.

Nanawagan din si Estrada para sa mas malalim na pagsisiyasat kung ang mga dayuhang operatiba ay nagsasagawa ng lihim na operasyon sa Pilipinas.

“There is a need to take a closer look into this and verify whether or not covert and illegal operations are being undertaken here as part of a foreign country’s global influence operation,” aniya.

Pinuna rin ni Estrada si Guo sa kanyang kabiguang magpakita ng ebidensya ng kanyang pagka-Pilipino, sa kabila ng mga dokumentong lumabas na naguugnay sa kanya sa Tsina.

“Sa kaso ni Guo Hua Ping o Alice Guo, kaliwa’t kanan na ang mga dokumentong lumabas patungkol sa kanyang tunay na pagkatao. Pero ang taong ito na idinidiin na siya’y Filipino ay walang maipakitang ebidensiya para patotohanan ito,” ayon sa senador.

Inulit ni Estrada ang pangangailangan ng mas matibay na aksyon mula sa lehislatura upang mapigilan ang mga dayuhang espiya, sa paghain ng Senate Bill No. 2368 upang amyendahan ang Espionage Law ng bansa o Commonwealth Act No. 616.

Nilalayon ng panukalang batas na palawakin ang sakop ng batas upang isama ang cyber espionage at magpataw ng mas mabigat na parusa.

“Defending against malicious foreign interference should be a top priority,” pagtatapos ni Estrada.

Para naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, maliwanag na tuntungan lamang ng mga ito ang POGO para makagawa ng pera at ito ang nagpopondo para sa iba’t ibang uri ng kanilang pag-eespiya.

Sinabi pa ni Gatchalian na malakas ang loob ng mga ito na i-penetrate ang gobyerno dahil sa laki ng kinikita sa POGO at ginigisa ang mga Pilipino ng mga ito sa sariling mantika.

Nakababahala ani Gatchalian na pumasok na sila sa politika ng bansa upang masigurong makapagpapalawak ang mga ito ng kanilang impluwensiya para mas makapagdikta sa mga batas at makapagimpluwensiya gamit ang kanilang posisyon sa gobyerno, na seryosong banta para sa bansa.