Calendar
DOLE naglaan ng P50M emergency employment sa mga lugar na nasalanta ng magnitude 7.0 lindol
NAGLAAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P50 milyon para sa emergency employment na gagawin sa mga lugar na labis na nasalanta ng magnitude 7.0 lindol.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga biktima ng lindol.
Ang DOLE ay bahagi ng Rehabilitation and Recovery Cluster ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE na ipatutupad ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa mga lugar sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region.
Sinabi ni Laguesma na patuloy ang isinasagawang profiling ng DOLE para sa mga magiging benepisyaryo ng programa.
Ang mga mapipiling benepisyaryo ay patutulungin umano sa relief at clearing operation sa mga nasalantang lugar.
Gagawa rin umano ng mga hakbang ang DOLE upang makahanap ng mapapasukang trabaho ang mga apektadong residente.