Bro. Marianito Agustin

Dominican Laity

520 Views

Bakit tayo nababahala sa mga bagay na kulang sa atin. Wala rin ba tayong tiwala at pananampalataya? (Marcos 8:14-21)

“Nang mahalata ito ni Hesus ay winika niya sa kanila. Bakit pinaguusapan ninyo na wala kayong tinapay? Hindi pa ba kayo nakauunawa at nakababatid? Matigas pa ba ang inyong mga puso?” (Marcos 8:17)

NAPAKAHIRAP pakibagayan o pakisamahan ang isang taong makasarili.

Ito yung klase ng tao na walang nakikita at pinahahalagahan kundi kung ano lang ang makabubuti para sa kaniya.

Sinasabi ng iba na ang mga taong makasarili ay katulad daw ng isang kabayo na may takip sa magkabilang mata.

Kaya hindi nila nakikita ang ibang tao sa kanilang paligid.

Ito ang mga taong nangangailangan ng tulong, mga taong nagugutom, naghihikahos at kailangan ng karamay at kalinga.

Walang pakialam ang mga makasarilli sa kanilang kalagayan.

Sapagkat ang tanging pinahahalagahan lamang ng mga taong ito ay ang kanilang pansariling kapakanan.

Duon lamang sila nakatuon sa mga bagay na makabubuti para sa kanila.

Marahil ay ganito rin ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Marcos 8:14-21) matapos mabahala at mag-alala ang mga Alagad ni Hesus dahil iisang tinapay lamang ang kanilang ibinaon sa bangka. (Mk. 8:14)

Maaaring inakala ng mga Disipulo na baka sila malipasan ng gutom dahil sa kapirasong tinapay na dala-dala nila kaya ganoon na lamang ang kanilang pag-aalala.

Nabahala sila sa kanilang pansariling gutom.

Kaya ipinaalala sa kanila ng Panginoon na “Mag-ingat sila sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes”.

Ngunit inakala din ng mga Alagad na kaya ito nasabi ni Hesus ay sapagkat wala silang dalang tinapay. (Mk. 8:15-16)

Nakatuon lamang ang mga Disipulo sa kawalan nila ng makakain.

Kaya nakalimutan na nila ang mga milagrong ginawa ni Hesus.

Dahil sa pagkabahala nila, maging ang kanilang pananampalataya ay nilamon narin ng kanilang kawalan ng tiwala.

Kaya ipinaalala sa kanila ni Kristo ang dalawang himala na ginawa niya.

Sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga tinapay. (Mk. 8:17-20)

Kulang na lamang sabihin ni Hesus sa kanila na ano ba ang dapat nilang ikabahala, gayong kasama nila ang pinagmumulan ng mga himala.

Marahil ay katulad din tayo ng mga Alagad paminsan-minsan.

Masyado tayong nababahala at nag-aalala sa mga bagay na kulang sa ating buhay at hindi naman natin nakikita ang mga bagay na mayroon tayo.

Tulad ng pananalig sa Panginoong Diyos.

Nakakalimutan din natin na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Sakaling tayo man ay nagkukulang.

Hindi natin ito nakikita sapagkat nakatuon lamang ang ating pansin sa mga bagay na kulang sa buhay natin.

Minsan din ang lagi lamang nating inaalala ay kung ano lang ang pangangailangan natin. Nagiging makitid din ang ating pang-unawa at matigas din ang ating mga puso.

Hindi natin pansin na mayroong Panginoong Diyos na nakahandang umagapay sa atin sa oras ng ating pangangailangan. Nakalimutan din natin na kaya niyang paramihin katulad ng mga tinapay ang mga bagay na nagkukulang sa atin.

Ito ang mga bagay na hindi nakita ng mga Alagad. Sapagkat ang atensiyon nila ay nakatutok lamang sa kanilang pansariling interes. Hindi nila nakita na minsan ay nakagawa ng pambihirang himala ni HesuKristo.

Kung tatanggalin natin ang takip sa ating mga mata. At susubukan nating iwaksi ang ating pagiging maka-sarili, marahil ay makikita din natin na mayroon pa lang Diyos na hindi tayo pababayaan.

____________

MANALANGIN TAYO:

Panginoong Hesus, nawa’y matutunan namin ang magtiwala sa’yo sa halip na mabahala kami sa mga bagay na wala sa amin. Matutunan din nawa namin ang magtiwala sa iyong kapangyarihan na hindi mo po kami pababayaan at walang imposible sa’yo.

AMEN