Frasco

DOT and WCOPA Team Philippines explore global opportunities for Filipino Talent

Jon-jon Reyes Oct 5, 2024
123 Views
Frasco2
COURTESY CALL – Personal na tinanggap ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang courtesy visit mula kay Gerry Mercado, ang National Director for the Philippines ng World Championships of Performing Arts (WCOPA), sa DOT sa Makati City.

PERSONAL na hinarap ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang courtesy visit ni Gerry Mercado, ang national director for the Philippines ng World Championships of Performing Arts (WCOPA), kasama ang iba pang opisyal ng koponan sa DOT sa Makati City.

Sa pagpupulong, tinalakay ni Frasco at ng WCOPA Team Philippines ang mga potensyal na pakikipagtulungan at ang kahalagahan na ipakita ang talento ng mga Pilipino sa buong mundo.

Pinuri ni Frasco ang mga pagsisikap ng koponan na kilalanin, paunlarin at isulong ang mga natatanging Pilipinong gumaganap mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, alinsunod sa layunin ng DOT na lumikha ng mas maraming pagkakataon para sa mga tao na mahalin ang Pilipinas.

“Ang component ng turismo ay para magamit mo ang iyong talento para makapagbigay ng pagkakataon sa iba.

Sa ganoon, bilang mga ambassador ng turismo para sa bansa, nakakaakit tayo ng mga bisita na pumunta sa bansa at magbigay ng kabuhayan sa ating mga destinasyon sa turismo, at iyon ang pinakalayunin ng departamento, na tiyakin na magawa natin ang mga execution, kampanya, pagtatanghal, eksibisyon, atbp.,” pahayag ng kalihim ng DOT.

Kilala bilang “Olympics of the Performing Arts,” ang WCOPA ay isang internasyonal na kompetisyon na itinatag noong 1996 na pinagsasama-sama ang mga nangungunang talento mula sa buong mundo.

Ang mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay nakikipagkumpitensya sa mga disiplina tulad ng pag-awit, pagsayaw, pag-arte, pagmomodelo at instrumental na musika, kasama ang mga propesyonal sa industriya, kabilang ang mga ahente ng talento at mga producer, na nagsisilbing mga hukom upang makoronahan ang mga kampeon sa bawat kategorya.

Nagsimulang lumahok ang Pilipinas sa WCOPA noong 2005, at mula noong 2013, pinangunahan ni Mercado ang WCOPA Team Philippines na nagsasagawa ng mga live na audition sa buong Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang koponan ay nagoorganisa rin ng mga workshop at boot camp upang pinuhin ang mga kasanayan ng mga Pilipinong kalahok, na naghahanda sa kanila na maging mahusay sa entablado ng mundo.

Sa paglipas ng mga taon, ang mga Filipino performers ay patuloy na namumukod-tangi sa mga kategorya tulad ng pagkanta, pagsayaw, pag-arte, pagmomodelo at iba’t ibang sining.

Dumalo rin sa pulong si Annie Mercado, creative director ng WCOPA Team Philippines at dating WCOPA international judge, kasama ang mga opisyal ng DOT na sina Undersecretary Verna Buensuceso, Assistant Secretary Gissela Quisumbing, Director Glenn Albert Ocampo, at pinuno ng Tourism Promotions Board (TPB) Philippines MICE Department na si Arnold Gonzales.