DOTr-BF Corp. contract sa LRT, MRT tatapusin na

Jun I Legaspi Mar 6, 2025
19 Views

TATAPUSIN o ite-terminate na ng Department of Transportation (DOTr) ang kasunduan nito sa Unified Grand Central Station consortium BF Corp. at Foresight Development and Surveying Co. (BFC-FDSC) dahil sa sobrang tagal ng delay sa pagtatapos ng proyekto na mag-uugnay sa LRT-1, MRT-3 at MRT-7.

Ikinadismaya ni Transportation Secretary Vince Dizon ang matagal na pagkaantala sa proyekto matapos inspeksyunin ang common station noong Lunes.

Ayon sa kalihim, hindi katanggap-tanggap ang matagal nang pagkakahinto ng konstruksyon na mahigit isang taon nang hindi umuusad.

Sinabi ni Sec. Dizon na kasalukuyan nang tinatapos ng legal team ng DOTr ang proseso ng terminasyon ng kontrata.

“Hindi katanggap-tanggap ang pagkaantala. Dapat tapos na ang proyektong ito at napapakinabangan na ng mga tao” dagdag niya.

Upang mapabilis ang pagpapatuloy ng konstruksyon, tinitingnan ng DOTr ang iba’t-ibang opsyon sa ilalim ng Government Procurement Act o Public-Private Partnership Code.

Ipinaliwanag ni Sec. Dizon na maaaring pagmultahin ang BF Corp. at Foresight Development and Surveying Co. (BFC-FDSC) dahil sa kabiguang tuparin ang kasunduan.

Nang tanungin tungkol sa posibleng pananagutan ng pamahalaan sa kontraktor kaugnay ng mga huling bayad, sinabi ni Sec. Dizon na “Classic na pagkukulang ng gobyerno po ‘yan yung hindi pagbabayad on time.

Iche-check po natin lahat yan. At the end of the day ibabalanse po natin lahat yan, yung pagkukulang ng gobyerno, yung pagkukulang ng contractor and at the end aabot tayo sa solusyon para sa lahat ng mga ‘yan.”

Matatagpuan sa North Edsa, Quezon City, ang common station may concourse na may sukat na 13,700 metro kuwadrado na magbibigay ng maayos at mabilis na koneksyon sa mga linya ng tren.