DOTr

DOTr hinimok na tapusin na agad MRT-7 railway project

25 Views

NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na bilisan ang pagtatapos ng MRT-7 railway project, kasabay ng nakaambang rehabilitasyon ng EDSA, ang pangunahing daluyan ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Poe, ang agarang pagbubukas ng MRT-7 ay mahalaga upang mabigyan ng alternatibong mass transport option ang mga mamamayan at maibsan ang matinding trapikong inaasahan kapag sinimulan na ang konstruksyon sa EDSA sa Hunyo 13, 2025.

“The timely completion of the railway project will provide an additional mass transportation option to the people,” ani Poe. Ipinunto rin niya na ang bagong linya ng tren ay maaaring makumbinsi ang mga pribadong motorista na iwan muna ang kanilang sasakyan at sumakay ng pampublikong transportasyon, na makatutulong sa pagbabawas ng sasakyan sa lansangan.

Ang MRT-7 ay isang 22.8-kilometrong elevated railway na may 14 istasyon mula North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte sa Bulacan. Kapag ganap nang operational, inaasahang mapapabilis nito ang biyahe mula dalawang oras patungong 35 minuto lamang.

“Everyone in Metro Manila is waiting to get on board. We hope the MRT-7 project will soon be a reality,” dagdag pa ng senadora.

Batay sa pinakahuling datos, 78.63% na ang natatapos sa proyekto. Target ng DOTr na magkaroon ng partial operations gamit ang 12 istasyon bago matapos ang 2025, at ang full operations ay inaasahang sa 2026. Pinamumunuan ng San Miguel Corporation, sa ilalim ng concession agreement, ang konstruksyon, operasyon, at maintenance ng proyekto.

Noong 2014, personal na sumakay si Sen. Poe ng MRT sa rush hour upang personal na masaksihan ang siksikan, kahabaan ng pila, at hirap ng mga pasahero. Dito niya naintindihan ang hirap na dinadanas ng marami nating kababayan.

“It takes a long and winding cue, climbing steep stairs and squeezing oneself in a tight coach,” paglalarawan niya.

Aniya pa, “Sabi nga ng meme tungkol sa ating trains sa Facebook, ‘Papasok kang estudyante, lalabas kang mandirigma.’ Sana may katapusan naman ang paghihirap ng ating mga commuter.”

Sa mga nagdaang Kongreso, pinangunahan din ni Poe ang mga imbestigasyon ukol sa mga anomalya sa kontrata, kakulangan sa maintenance, at pamamalakad ng mga tren. Iginigiit pa rin niya ang pangangailangan ng reporma at pananagutan sa sektor ng transportasyon.

“But this should not stop us from working to have better train system and facilities. The Filipinos deserve a dignified ride,” mariin niyang pahayag.

Sa gitna ng inaasahang abala sa daloy ng trapiko dulot ng EDSA repairs hanggang 2027, ang matagumpay na pagbubukas ng MRT-7 ay tinitingnan bilang pangunahing susi sa mas maayos at makataong sistema ng transportasyon sa Kalakhang Maynila.