Calendar
DOTr sec: EDSA Busway mahalaga, makakatulong sa commuters
BINIGYAN-diin ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na mahalaga ang pagpapanumbalik ng panukalang badyet na nagkakahalaga ng P1.756 bilyon para sa EDSA Busway upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng episyente at maka-komyuter na serbisyo sa mga manggagawa, estudyante at iba pang mananakay.
Inilahad ito ni Lopez sa Infrastructure Forum ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP) sa Makati City noong Lunes.
Nabigyan ng zero budget allocation ang EDSA Busway sa ilalim ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM).
Muling iginiit ni Lopez na isa ang EDSA Busway sa mga sistemang pang transportasyon sa kalakhang Maynila na higit na nagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga komyuter.
“Hindi natin sapat na maipaliwanag ang kahalagahan ng badyet para rito. Sa Metro Manila, bukod sa mga linya ng tren, ito ang natatanging sistemang pangtransportasyon sa lupa na malinaw na mas pinapaboran ang mga komyuter kaysa sa mga pribadong motorista.
Kung tunay tayong maka-komyuter, dapat ito ang bigyan natin ng higit na pansin. Ang isang bus ay nakapagsasakay ng 50 hanggang 70 pasahero, samantalang lima lamang ang karaniwang sakay ng isang pribadong sasakyan,” ayon sa kalihim.
Ayon kay Secretary Lopez, kung hindi mabibigyan ng pondo ang proyekto sa susunod na taon, maaaring maapektuhan ang operasyon nito kabilang ang pasahod sa mga security personnel, pagpapanatili at pagsasaayos ng mga elevator at iba pang pasilidad, gayundin ang kalinisan at pangkalahatang antas ng serbisyo para sa publiko.
Umaasa ang DOTr na magkakaloob ng kinakailangang pondo upang maipagpatuloy ang mga nakatakdang proyekto at pagpapabuti sa EDSA Busway.
Isinasagawa ng DOTr ang modernisasyon ng EDSA Busway na kinabibilangan ng rehabilitasyon ng mga estasyon sa Bagong Barrio sa Caloocan City, Balintawak sa Quezon City, at Guadalupe sa Makati City.
Sa forum, tinalakay rin ni Secretary Lopez ang mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura ng DOTr na layuning mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at gawing moderno ang urban mobility sa bansa.
Para sa sektor ng riles, kabilang sa mga pangunahing proyekto ang North-South Commuter Railway (NSCR), Metro Manila Subway Project, MRT-7, Common Station, at LRT-Cavite Extension.
“Napakarami pong proyekto ng DOTr at kadalasan ay mahaba ang panahon ng paghahanda para sa mga malalaking imprastraktura,” pagtatapos ni Secretary Lopez.

