Calendar
DOTr sec: Parusa, nakaka-pagod ang pagkokomyut
INAALAM ni acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang sitwasyon ng mga pasahero noong Lunes sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na solusyunan ang problema sa transportasyon at pagaanin ang biyahe ng mga kababayan natin.
Sinabi ni Acting Secretary Lopez na talagang mahirap sumakay lalo na kapag rush hour at kulang din ang pampublikong transportasyon.
“Talagang mahirap ‘yung dinaranas ng mga kababayan natin araw-araw. Parusa at nakaka-pagod ang pagkokomyut.
Gagawan natin ng agarang solusyon ito para kahit pa-paano mapagaan natin ang nararanasan nila sa pag-commute at di masayang ang oras nila,” sabi ni Secretary Lopez.
Mula Ever Gotesco sa Commonwealth sumakay si Lopez ng bus at MRT-3. Inakyat din niya ang ang tinaguriang Mt. Kamuning sa EDSA.
Ipag-uutos na ni Acting Secretary Lopez sa Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) na magdagdag ng traffic enforcer at personnel sa Commonwealth Ave. para alalayan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) enforcers sa pag-aayos ng daloy ng trapiko at magkaroon ng sistema sa pagsakay ng pasahero.
Makikipagpulong din ang kalihim sa PCG para sa pagdeploy sa ibang lugar kung saan may maraming komyuter.
Aatasan din ng acting transport chief ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magdagdag ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) at mag-isyu ng prangkisa sa high-passenger volume areas para mas maraming PUVs na maka-byahe at hindi masayang ang oras ng mga komyuter papunta sa kanilang trabaho o eskwela.

