Calendar
DPWH binatikos ni Hontiveros
BINATIKOS ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil umano sa pagpabaya nitong ipatupad ang 2017 Metro Cebu Flood Control and Drainage Master Plan, kasunod ng malawakang pagbaha na tumama sa rehiyon.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinuwestiyon ni Hontiveros si DPWH Region 7 Director Danilo Villa kung bakit “set aside” ang JICA-assisted master plan na dapat sana’y nagsisilbing kumpletong gabay para sa drainage systems, river improvements, at flood-mitigation structures ng Metro Cebu.
Ipinaliwanag ni Villa na bagama’t may malinaw na listahan ang master plan ng mga dapat gawin, “dams and retention basins may not have been considered priorities or urgent measures,” at mas nagtutok umano ang DPWH sa revetments at drainage works.
Hindi tinanggap ni Hontiveros ang paliwanag na ito. Giit niya, may malinaw na tungkulin ang DPWH at DENR na pinabayaan. “We just cannot say after the fact that it was someone else’s responsibility. We can’t just say after the tragedy that it’s not us, it’s someone else so that this tragedy won’t happen again. We have to implement good master plans or good plans,” ani Hontiveros.
Idinagdag niya na ang upland watershed management ay responsibilidad ng DENR, habang ang lowland flood-control, drainage systems, at river structures ay direktang tungkulin ng DPWH. Sinabi niya na kung nasunod ang master plan, posibleng nabawasan ang matinding pagbaha sa Cebu City, Mandaue, Lapu-Lapu, Talisay at iba pang lugar.
Inatasan ni Hontiveros ang DPWH na magsumite ng kumpletong ulat kung alin sa mga proyekto sa master plan ang naipatupad, alin ang hindi, at bakit ipinagpaliban.
Kailangan umano ng Senado na malaman kung may budget realignment, internal prioritization, o political interference na pumigil sa mga proyektong makasasagip ng buhay.
Nagbabala rin ang senadora na ang patuloy na pagbalewala sa JICA-based 2017 master plan ay mag-iiwan sa Metro Cebu na lantad sa higit pang mapaminsalang pagbaha.
“Hindi puwedeng paulit-ulit ang ganitong trahedya dahil hindi sinunod ang planong matagal nang dapat ginagawa,” ayon sa isang opisyal na malapit sa kanya.
Inaasahang ipapatawag ng Senado ang DPWH upang i-align ang kasalukuyang flood-control budget sa master plan at ipaliwanag kung bakit nilihis ang ilang rekomendasyon nang walang sapat na basehan.

