BBM

DQ case vs BBM ibinasura ng Comelec First Division

417 Views

IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang disqualification case na inihain laban kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez walang nakitang merito ang mga commissioner ng First Division sa pinagsama-samang petisyon nina Bonifacio Ilagan, Abubakar Mangelen, at grupong Akbayan.

Ayon sa mga naghain ng petisyon, dapat ay huwag payagan ng Comelec na tumakbo si Marcos dahil nahatulan ito ng Quezon City court sa paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC) noong 1995 kaugnay ng hindi umano paghahain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1984.

Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng mas mababang korte subalit inalis nito ang hatol na pagkakakulong at pinagmulta lang.

Ipinunto sa desisyon na walang parusang perpetual disqualification sa hindi paghahain ng income tax return sa ilalim ng 1977 NIRC.

Ang parusang perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno umano ay nailagay lamang noong Enero 1, 1986.

Malinaw umano na hindi maaaring igawad kay Marcos ang parusa sa batas na hindi pa epektibo noon.

Samantala, pinuri ni Atty. Vic Rodriguez, Marcos’ Chief of Staff and Spokesperson, ang Comelec dahil pinanindigan nito ang batas.

“We again commend the honorable members of the Comelec’s 1st Division for upholding the law by dismissing cases that we have long described as nuisance petitions,” ani Rodriguez.

“While we call on this seemingly misguided segment of our society to stop spreading lies against presidential candidate Bongbong Marcos, we nonetheless extend our hands of unity and continue with our call for them and every Filipino to join us in shaping a better and united future for our people. Tama na ang away, tama na ang bangayan, sama-sama natin harapin ang bukas na may taglay na pag-asa at pagkakaisa,” dagdag pa ni Rodriguez. Ni LEE ANN P. DUCUSIN