LTO

Drayber ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong aalisan ng lisensya

Jun I Legaspi Jan 31, 2023
143 Views

INIREKOMENDA na ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) na matanggalan ng lisensya ang drayber ng SUV na umararo ng 12 sasakyan na nagresulta sa pagkasugat ng 13 indibidwal sa Mandaluyong City noong Enero 10, 2023.

Ayon kay LTO-IID officer-in-charge Renan Melitante na nagbigay na ng judicial affidavit si Dominador Braga, 54-anyos, at kanyang inamin na siya ang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang nasabing aksidente.

“Tinapos na namin ang imbestigasyon at maglalabas ang LTO ng desisyon base sa mga hawak na ebidensya bukod pa sa pag-amin na rin ng drayber,” sabi ni Melitante.

Si Braga ay nakapiit sa Mandaluyong City Police Custodial Center at ang abogado nito ang kumatawan sa kanya sa isinagawang pagdinig ng LTO noong Enero 30.

Nilinaw naman ng LTO na maaari pa ring kumuha ng lisensya si Braga subalit daraan na umano ito sa masusing proseso bago maaprubahan.

Nauna rito ay sinuspindi ng LTO ng 90-araw ang lisensya ni Braga.