Navotas Police

Driver kinatay sa harap ng misis, mga anak

Edd Reyes Feb 25, 2022
468 Views

BRUTAL na pinatay sa harap ng kanyang mga anak at kalive-in ang isang pedicab driver ng dalawang lalaking kaalitan Huwebes ng gabi sa Navotas City.

Patay na nang idating sa Navotas City Hospital ang biktimang si Gaylord Libre, 31, ng 71 Goldrock St., Bgy. San Roque sanhi ng mga matitinding palo ng golf club at mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, habang tumakas naman ang mga salarin na nakilala sa mga pangalang Jeff Jeff Dela Cruz at Lorenzo Dela Cruz.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt Karl Benzon Dela Cruz ng homicide section ng Navotas police, sakay ng biktima sa minamanehong pedicab ang kinakasamang si Joan Silvestre, 37, at dalawa nilang anak patungong Wawa covered court sa Wawa St., Bgy. Tangos South dakong alas-10:30 ng gabi nang sundan ng dalawang suspek.

Habang pumaparada sa covered court, nilapitan na siya ni Jeff Jeff na may hawak na golf club at bigla na lamang pinagpapalo sa ulo at katawan sa harap ng nahintakutang si Joan at dalawang anak.

Bagama’t duguan na, tinangkang dumepensa ng biktima subalit bumunot ng patalim ang isa pang suspek na si Lorenzo at sunod-sunod na inundayan ng saksak ang biktima hanggang tuluyang mahandusay ang duguang ulo at katawan sa kalsada.

Nang tumakas ang mga salarin, doon lang nahimasmasan sa matinding takot si Joan at nagsisigaw na humingi ng tulong hanggang may tumugon sa kanyang pagpalahaw hanggang maisugod sa pagamutan ang kalive-in.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung ano ang relasyon ng dalawang suspek at kung ano ang motibo sa karumaldumal na ginawang pagpatay sa biktima.

Iniutos na ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang pagtugis sa mga salarin habang patuloy pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon.