Kulong

Driver nagpulis-pulisan swak sa bilangguan

Edd Reyes Jan 8, 2024
45 Views

IMBES na matakot, inagaw ng 19-anyos na estudyante ang baril ng isang senglot na truck driver na nagpakilalang pulis habang nananakot na iwinawasiwas ang hawak na armas noong Linggo sa Pasay City.

Nahagip ng CCTV sa Dominga St., Brgy. 45 ang paghahasik ng sindak ng suspek na si Elmer, 38, at kung paano naagaw ni alyas Don nang makipagbuno at tuluyang maagaw ang baril na hawak ng suspek.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, dakong alas-9:20 ng gabi nang tumanggap ng tawag ang Pasay Police Sub-Station 1 sa may CCP Complex mula kay Kagawad Erwin Liro kaugnay sa pagwawasiwas ng lalaking nagpapakilalang pulis sa may Dominga St. na lumikha ng takot sa lugar.

Nagresponde ang mga pulis at inabutan nila ang suspek na nasa pangangalaga na ng barangay matapos maagaw sa kanya ng estudyante ang Super .38 na kalibre ng baril na may anim na bala.

Wala namang mai-prisintang dokumento ang suspek na magpapatunay na legal ang pagkakaroon niya ng baril kaya’t kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code o ang Usurpation of Authority at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act ang mapapala niya.