Tugade

Driving schools nilimitahan singil sa aplikante

Jun I Legaspi Mar 26, 2023
177 Views

NILIMITAHAN ng Land Transportation Office (LTO) ang maaaring singilin ng mga pribadong driving school sa mga aplikante na kumukuha ng requirement para sa lisensya sa pagmamaneho.

Kasabay nito ay nagbabala si LTO Chief Jay Art Tugade na papanagutin ang mga hindi susunod sa Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 o “Omnibus Guidelines on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions, and the Standardization of Driver and Conductor’s Education.”

Magiging epektibo o iiral ang Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 sa Abril 15.

Sa ilalim ng bagong pamantayan, ang pinapayagang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng mga pribadong driving institution para sa Theoretical Driving Course (TDC) ay hanggang P1,000.

Itinakda naman ang pinakamataas na halaga ng sisingilin sa sasalang sa Practical Driving Course (PDC) sa P2,500.00 para sa kukuha ng lisensyang may code A at A1; hanggang P4,000.00 para sa license codes B, B1, at B2; at P8,000.00 para sa mga heavy vehicle na may license code C o Carrier of Goods (Truck), D o (Passenger Vehicles (Bus), at CE o Articulated Vehicles.

May katapat na multang P50,000 at anim na buwang suspensyon ng akreditasyon ang mga driving school na hindi susunod sa maximum prescribed rates ng mga TDC at PDC sa unang pagkakataon; multang P100,000.00 at hanggang isang taong suspensyon para sa ikalawang paglabag; at revocation o pagkansela na ng akreditasyon kung lalabag pa rin sa ikatlong pagkakataon.

“Ang mga bagong panuntunan na ito ay dumaan sa masusing pag-aaral ng technical working group at sumalang din sa serye ng mga konsultasyon sa lahat ng stakeholders,” diin ni LTO Chief Tugade.

“Nabuo ang maximum prescribed rates na ito bilang tugon sa apela ng marami nating kababayan na umiiyak sa mataas na singilin pero maituturing din itong patas na hakbang para sa driving schools na namuhunan din,” dagdag ng opisyal.

Samantala, nakasaad sa bagong panuntunan ang binawasang araw para makumpleto ang mandatory 15-hour na TDC. Mula sa dating tatlong araw, maaaring tapusin ng aplikanteng drayber ang kurso sa loob ng dalawang araw – pitong (7) oras sa unang araw at walong oras sa susunod na araw – sa loob ng isang buwan.

Ang practical driving naman ay kailangang isagawa nang hindi bababa sa walong oras sa bawat license code na kukunin ng aplikante.

“PDC for light and heavy vehicles shall be conducted for at least TWO days while 8-hour PDC for motorcycles may be conducted in one day, provided that the student-driver has proven to have already acquired the knowledge based on the assessment by a practical driving instructor,” ayon pa sa memorandum circular.

Inoobliga na rin ang mga driving school na ipasok sa LTO system ang mga detalye ng bawat aplikante, gamit ang Land Transportation Management System (LTMS) Client ID upang matukoy ang totoong petsa ng pagsisimula ng TDC nito sa gitna ng isyu ng “non-appearance” ng ilang aplikante.

“Registration of his/her biometrics before and after every session for attendance purposes is required. The Driving Institution shall provide and maintain an attendance sheet to record the actual presence of the applicant during the conduct of the face-to-face TDC and written examination or validation,” ayon pa sa memorandum.

Matapos na makumpleto ang kurso at maipasa ang final exam sa TDC at ang 8-oras na PDC, bibigyan ng Certificate of Course Completion ang aplikante na real-time at electronically transmitted sa LTMS sa pamamagitan ng Driving Institution Portal.