Ortega

DS Ortega kay VP Sara: Gawin ang ginawa ni Madriaga—manumpa, pumirma ng bank waiver, sumagot

26 Views

SaraBILANG pagsubok sa kredibilidad, hinikayat ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Martes si Bise Presidente Sara Z. Duterte na personal na dumalo sa susunod na pagdinig ng House Committee on Justice sa Abril 22, manumpa, pumirma ng bank waiver, at direktang sagutin ang mga alegasyong inilahad ng resource person na si Ramil L. Madriaga.

Ayon kay Ortega, ang kombinasyon ng sinumpaang testimonya at bank waiver ay mag-aalis ng anumang pagdududa at magbibigay-daan upang ang mga dokumento—hindi mga salaysay—ang magpasya sa usapin.

Dumating ang panawagang ito matapos pakinggan ng panel si Madriaga sa ilalim ng panunumpa noong Abril 14, kung saan pumirma rin ito ng bank waiver at nagpatotoo matapos mabigyan ng clearance mula sa isang hukuman sa Maynila. Nauna nang inilarawan ng mga miyembro ng Kamara si Madriaga bilang isang mahalagang resource person sa mga pagdinig ng impeachment.

Ayon kay Ortega, malinaw ang susunod na hakbang: dapat tumugon ang Bise Presidente sa ilalim ng parehong kundisyon.

“Ang kailangan ng publiko ngayon sa impeachment, under oath para sa katotohanan at hindi no-show,” ani Ortega.

“Kung talagang gusto niyang pabulaanan si Madriaga, huwag sa caption, huwag sa press statement, huwag sa paikut-ikot na soundbite. Humarap siya sa komite, manumpa, at sumagot,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng lider ng Kamara mula La Union na ang pagpirma sa bank waiver ay isang mahalagang hakbang tungo sa transparency, dahil magbibigay ito ng pagkakataon na ma-verify ang mga rekord pinansyal na may kaugnayan sa mga alegasyon.

Ipinaliwanag ni Ortega na ang bank waiver ay nagpapahintulot sa mga awtoridad na ma-access ang mga dokumento sa bangko na maaaring magpatunay o magpasinungaling sa mga paratang ng hindi naideklarang yaman, kaya’t nalalagpasan ang haka-haka at magkakasalungat na pahayag.

Itinuro rin niya na kung wala ang ganitong hakbang, mananatili lamang ang pampublikong diskurso sa mga paratang at pagtanggi, sa halip na sa ebidensya.

“Sa ngayon, ang isang panig ay may testigong nanumpa at humarap. Ang kabila ay may talking points at media rounds,” ani Ortega. “Hindi pantay ang bigat ng dalawang iyan. Ang panunumpa may legal na pananagutan.”

Dagdag pa niya, ang bank waiver na sinamahan ng sinumpaang testimonya ay maglalagay sa magkabilang panig sa pantay na posisyon—na sumasailalim sa beripikasyon, dokumentasyon, at legal na pananagutan.

Binanggit din ng Deputy Speaker na ang kampo ni Duterte, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Salvador Paolo A. Panelo Jr., ay tinawag nang “pure fiction” ang mga pahayag ni Madriaga, ngunit sinabi niyang ang tamang lugar upang patunayan ito ay sa mismong pagdinig.

“Kung ‘pure fiction’ pala ang testimonya ni Madriaga katulad ng pakulo nila, dapat humarap si VP Sara sa Justice panel at mag-under oath,” ani Ortega.

Inulit din ni Ortega ang naunang pahayag ng dating pambansang pangulo ng Integrated Bar of the Philippines na si Domingo “Egon” Cayosa na ang pagiging patas ay nangangailangan ng parehong pamantayan, lalo na’t si Madriaga ay nakapagpatotoo na sa ilalim ng panunumpa at nalantad sa posibleng pananagutan sa perjury.

Iginiit niya na ang usapin ay hindi tungkol sa pagpapakitang-gilas kundi sa mapapatunayang katotohanan.

“Hindi puwedeng ang isang tao ay pinapasan ang bigat ng oath habang ang kabilang panig ay gusto commentary lang ang dala,” aniya. “Kung gusto mong maniwala ang publiko sa denial mo, ilagay mo rin sa ilalim ng panunumpa.”

Dagdag ni Ortega, ang anumang hindi pagkakatugma ay dapat masuri sa pamamagitan ng mga dokumento at pagtatanong—hindi iwasan ang paglahok.

“Kung may mali sa sinabi ng testigo, itapat ang tamang sagot. Kung may butas, ilahad ang dokumento. Kung may kasinungalingan, harapin at pabulaanan,” aniya. “Pero gawin sa tamang lugar kung saan puwedeng magtanong para sa paglilinaw tulad ng House Committee on Justice at maitala ito. Iyon ang respeto sa proseso.”

Muli niyang iginiit na hindi pa tinutukoy ng House panel ang pagkakasala sa yugtong ito, kundi nakatuon lamang sa pagtukoy ng probable cause batay sa ebidensya at testimonya.

Gayunman, sinabi ni Ortega na mas magiging maayos ang proseso kung ang lahat ng panig ay sasailalim sa parehong antas ng pagsusuri.

“Ang taumbayan hindi naghihintay ng mas marami pang statement na ipinapadaan sa iba,” ani niya. “Ang hinihintay nila ay ang mismong Bise Presidente. Humarap, manumpa, at sumagot siya.”