Calendar
DS Ortega: “Kung walang itinatago, bakit takot sa bank records?”
KINUWESTYON ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union nitong Miyerkules ang matinding pagtutol ng kampo ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa kahilingan ng prosekusyon na makuha ang mga rekord mula sa bangko, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR), at sinabing isang simple ngunit mahalagang tanong ang ibinabangon nito.
“Simple lang ang tanong ng ordinaryong Pilipino: Kung walang itinatago, bakit takot sa bank records?” ani Ortega.
Nilinaw ni Ortega na hindi hinihiling ng prosekusyon sa Impeachment Court na hatulang nagkasala ang Bise Presidente batay lamang sa mga paratang.
“Ang hinihingi ng prosekusyon ay pahintulutan ng Hukuman ang pagkuha ng mga ebidensyang maaaring makatulong sa pag-alam ng katotohanan. Kung ang mga rekord na ito ay magpapatibay o magpapahina sa mga paratang ay dapat pagpasiyahan sa tamang proseso ng paglilitis, at hindi hadlangan sa simula pa lamang,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang usapin sa harap ng Hukuman ay hindi kung awtomatikong nagpapatunay ng paglabag ang mga rekord.
“Hindi pa ito usapin ng pagkakasala. Ang usapin ngayon ay kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang mga dokumentong maaaring makatulong sa paghahanap ng katotohanan.”
Ayon kay Ortega, taliwas ang posisyon ng depensa dahil sinasabi nitong walang makikitang ebidensyang magpapatunay ng maling gawain sa mga hinihinging rekord, ngunit kasabay nito ay pilit namang hinahadlangan ang paglabas ng mga ito.
“Kung ang argumento nila ay wala namang mapapatunayan ang mga bank records, AMLC reports, at tax records, bakit kailangang pigilan ang paglabas ng mga ito? Hayaan nating ang ebidensya mismo ang magsalita,” aniya.
Ipinaliwanag din ng Deputy Speaker na ang subpoena ay isang karaniwang legal na kasangkapan na ginagamit ng mga hukuman upang makuha ang mga ebidensyang maaaring may kaugnayan sa kaso.
“Ang subpoena ay hindi pagdedeklara ng pagkakasala. Isa lamang itong paraan upang magamit ng Hukuman ang kapangyarihan nitong alamin kung dapat ilabas ang mga ebidensyang may kaugnayan sa kaso,” ani Ortega.
Sinabi rin niya na mahalaga ang pagiging bukas at malinaw sa mga usaping may kinalaman sa pampublikong posisyon at tiwala ng mamamayan.
“Ang impeachment ay hindi para protektahan ang mga dokumento. Ang impeachment ay para protektahan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno,” aniya.
Hinimok niya ang publiko na ituon ang pansin sa pangunahing usapin at huwag malihis sa mga usaping teknikal.
“Ang tanong ngayon ay hindi kung sino ang mas mahusay gumawa ng legal na argumento. Ang tanong ay kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang ebidensyang hinihingi ng prosekusyon. Kung naniniwala ang depensa na walang makikitang mali, wala silang dapat ikatakot sa katotohanan,” ani Ortega.
Sa huli, sinabi ni Ortega na ipagpapatuloy ng prosekusyon ang paggamit ng lahat ng legal na paraan upang maiharap sa Impeachment Court ang mga ebidensyang may kaugnayan sa kaso.
“Sa impeachment, hindi dapat katakutan ang ebidensya. Ang dapat katakutan ay ang pagtatangkang pigilan ang paglabas ng katotohanan.”

