Calendar
Deputy Speaker Paolo P. Ortega V
DS Ortega: Patuloy na iniiwasan ni VP Sara reklamong impeachment, nagtatago sa likod ng teknikalidad
SINABI ni Paolo P. Ortega V. Deputy Speaker mula sa La Union, noong Martes na patuloy na iniiwasan ni Sara Z. Duterte, Pangalawang Pangulo, ang mga paratang laban sa kanya. Ayon sa kanya, ang sagot na isinumite ng kampo ng Bise Presidente ay hindi direktang tumutugon sa mga reklamong impeachment at sa halip ay umaasa lamang sa mga teknikalidad.
“Patuloy na iniiwasan ng Bise Presidente ang mga paratang laban sa kanya. Hindi ito tunay na sagot. Sa halip na harapin nang direkta ang mga akusasyon, pinili niyang magtago sa likod ng mga teknikalidad,” sabi ni Ortega, na isa sa mga nag-endorso ng ika-apat na reklamong impeachment.
Tinutukoy niya ang Consolidated Answer Ad Cautelam na isinumite ng kampo ni Duterte noong Lunes.
Ayon kay Ortega, mas maraming tanong ang ibinangon ng isinumite ng Bise Presidente kaysa sa mga nasagot nito, dahil hindi nito tuwirang tinugunan ang mahahalagang paratang na nakasaad sa mga reklamo.
“Hindi po nasagot ang mga paratang. Iniiwasan ang pinaka-ugat ng isyu, at dinadaan sa mga procedural arguments na hindi naman tumutugon sa tunay na laman ng kaso,” dagdag niya.
Tinanggihan din ni Ortega ang pahayag ng mga abogado ng Bise Presidente na nilinis na siya ng Supreme Court of the Philippines, at iginiit na ang desisyon ng mataas na hukuman ay tumalakay lamang sa mga isyung procedural.
“Kailangan nilang basahing muli ang desisyon at resolusyon ng Korte Suprema. Hindi ibinasura ng ruling ang impeachment noong 2025 dahil sa substansiya ng kaso, kundi dahil lamang sa mga procedural na usapin,” sabi ni Ortega.
“Sa katunayan, sinabi mismo ng Korte Suprema na hindi pinawalang-sala ng kanilang ruling ang Bise Presidente. Dapat malinaw iyon sa lahat,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng Deputy Speaker na ang impeachment ay isang mekanismong itinakda ng Konstitusyon upang matukoy ang pananagutan ng mga opisyal, at hindi isang prosesong maaaring iwasan sa pamamagitan lamang ng mga legal na teknikalidad.
“Hindi maaaring iwasan ang pananagutan. Karapat-dapat ang mamamayang Pilipino sa malinaw at direktang mga sagot—hindi sa mga legal na maniobrang umiiwas sa katotohanan,” ani Ortega.

