Suarez Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez

DS Suarez: Bagong supermajority sa Kamara tugon sa panawagan ni PBBM na magkaisa

30 Views

ANG pagsuporta ng supermajority, na umabot na sa 285 kongresista, sa pananatili ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bilang lider ng Kamara de Representantes ay isang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaisa para isulong ang reporma, katatagan at makabuluhang paglilingkod sa bayan.

“This is the most cohesive and confident House we have seen in decades. It is not just a supermajority in numbers but a supermajority borne out of trust, built on performance and held together by the strong, principled and competent leadership of Speaker Romualdez,” ani Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez ng Quezon.

Ayon kay Suarez, nitong Lunes ay 279 sa 285 kongresista na nagpahayag ng suporta kay Speaker Romualdez na manatiling lider ng Kamara sa 20th Congress ang lumagda na sa isang manifesto of support.

Binigyang-diin ni Suarez na ang pagsasama-sama ng mga partido—mula sa Liberal Party (LP) hanggang Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI)—ay isang patotoo sa pagtitiwala sa isang liderato na binibigyang halaga ang papel ng Kongreso sa pambansang pamamahala at kaunlaran.

“President Marcos called for unity. Speaker Romualdez delivered it. And he delivered it not through words, but through work. Hindi natin maikakaila na ang 19th Congress ang isa sa pinaka-produktibong Kongreso sa kasaysayan, at lahat ng iyan ay dahil may lider tayong responsible at maaasahan,” saad ng lider ng Kamara mula Quezon

Sa pamumuno ni Speaker Romualdez, nakamit ng 19th Congress ang mga tagumpay sa paggawa ng batas na hindi kayang tumbasan ng mga nakaraang kongreso.

Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025, nakaproseso ang Kamara ng humigit-kumulang 14 na panukala kada araw ng sesyon at nakapagpasa ng mahigit 230 batas na karamihan ay pawang mahalaga ang papel sa pambansang kaunlaran at pagtulong sa mga Pilipino.

Higit pa rito, naipasa ng Kamara ang lahat ng Common Legislative Agenda (CLA) ng administrasyong Marcos, at halos lahat ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills ay naipasa na rin.

“Speaker Romualdez engineered a partnership with Malacañang that produced results at the pace of public need. In a time when Filipinos demanded progress, the House responded. Quiet but strong leadership ang brand ni Speaker, at alam ng mga mambabatas ‘yan kaya siya pa rin ang pipiliing Speaker,” dagdag pa ni Suarez.

Kabilang sa mga mahahalagang batas na naipasa ay ang Maharlika Investment Fund, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Magna Carta for Seafarers, at New Agrarian Emancipation Act—na may layunin na pasiglahin ang ekonomiya, tiyakin ang seguridad sa pagkain, protektahan ang karapatan ng mga nasa maritime sector, at itaguyod ang dignidad ng paggawa.

Ayon kay Suarez, ang lumalaking bilang ng mga sumusuporta kay Speaker Romualdez ay bunsod ng kredibilidad na napatunayan na nito.

“This is what happens when leadership is founded on results. It draws people in, not out of pressure, but out of conviction,” aniya.

Dagdag pa ni Suarez, muling naibalik ng Kamara ang pagiging isang institusyon na gumagana at may prinsipyo.

“Tahimik lang si Speaker Romualdez, pero well-oiled machine ang Kongresong pinapatakbo niya. Lahat ng kulay kasama basta naniniwala sa pagkakaisa. Magaling din siyang consensus builder, kaya hindi kataka-taka na madami ang susuporta sa kanya,” paliwanag niya.

Binigyang-diin din niya na ang estilo ng Speaker na pagiging disiplinado pero inklusibo, matatag ngunit kumokonsulta ay lumikha at nagsulong ng pamamahala na may saysay ang pamumuno at hindi batay sa transaksyon.

“As the 20th Congress begins, we carry with us the lessons and momentum of a House that proved unity is possible, and governance can be both principled and productive,” ani Suarez.

“In the end, this is not just about the Speaker. It is about a generation of leaders choosing cooperation over chaos and choosing the Filipino people above all,” pagtatapos niya.