Suarez Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez

DS Suarez binatikos ‘budol’ fake news sa allowance ng mga sundalo

22 Views

BINATIKOS ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon ang kumalat na balita na tinanggihan umano ng gobyerno na itaas ang daily subsistence allowance ng mga sundalo.

Nakiisa si Suarez sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkondena sa pagpapakalat ng maling balita at tinawag ito na isang lantarang panlilinlang upang iligaw ang mga sundalo at ang publiko.

Sinabi ni Suarez na nananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang Kamara, sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa paglaban sa fake news at sa pagbibigay ng buong suporta sa mga sundalong Pilipino.

“We won’t let lies undermine our soldiers. The funding is secured, the commitment is strong, and they will get what they deserve,” ani Suarez, na nagpahayag din na si Speaker Romualdez, alinsunod sa utos ng Pangulo, ang nagtulak upang maisama sa pambansang badyet ngayong taon ang pagtaas ng daily subsistence allowance ng mga sundalo mula P150 patungong P350, o katumbas ng P10,500 kada buwan.

Binalaan din ni Suarez ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon, dahil aniya ay nilalagay nito sa panganib ang kapakanan ng mga uniformed personnel.

“This is a budol, a big lie! These false claims deceive our soldiers and undermine their trust in the government. But the truth is clear—this increase is funded, secured, and guaranteed under the 2025 budget,” dagdag ni Suarez.

Pinabulaanan din ng AFP ang mga mapanlinlang na pahayag, at kinumpirma na nakapaloob sa 2025 General Appropriations Act (GAA) ang nasabing pagtaas at ito ay ipatutupad ayon sa plano.

Nanawagan ang AFP sa mga sundalo at sa publiko na magtiwala lamang sa mga opisyal na anunsyo, dahil ang maling impormasyon ay nagdudulot ng kalituhan at nakakasira ng morale sa loob ng hanay ng militar. Muli rin nitong tiniyak ang suporta sa kapakanan ng mga uniformed personnel at ang pagbibigay ng kanilang nararapat na benepisyo.

Binatikos din ni Suarez ang sinadyang pagpapakalat ng maling balita, na aniya ay kawalang-galang sa sakripisyo ng mga sundalo ng bansa.

“Enough of this budol! Our soldiers risk their lives every day. They deserve respect, not lies meant to confuse and demoralize them,” giit ni Suarez.

Dagdag pa niya, “The budget is there. The law is clear. The funding is secured. This will be implemented—no amount of fake news can change that.”

Hinikayat din ni Suarez ang mga Pilipino na suriin muna ang mga impormasyon bago ibahagi ang mga ito at binigyang-diin ang pangako ng gobyerno na tiyaking matatanggap ng mga sundalo ang benepisyong nararapat sa kanila.