Romero

DSWD, GPF makakatulong maibsan matinding gutom

Mar Rodriguez Sep 13, 2023
132 Views

IPINAHAYAG ng chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na malaki ang maitutulong ng napipintong partnership ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Galing Pook Foundation para maibsan ang matinding karukhaan at kagutuman sa bansa.

Ito ang nabatid kay 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na ang ikakasa at bubuuing partnership sa pagitan ng DSWD at GPF ay maituturing na isang mabisang solusyon para tugunan at maibsan ang pinagdadaanang krisis ng mga maralitang Pilipino.

Sinabi ni Romero na ang mabubuong partnership ay magreresulta sa pagtatag ng “Walang Gutom Awards” na igagawad naman para sa mga Local Government Units (LGUs) na naging matagumpay sa kanilang kampanya laban sa kagutuman sa kani-kanilang lugar o ang tinatawag na “zero hunger”.

Ipinaliwanag ni Romero na sa pamamagitan ng “Walang Gutom Awards”. Magiging masigasig ang mga LGUs na kumilos at umaksiyon para labanan ang kagutuman sa kanilang mga balwarte.

Ayon sa kongresista, ito ay isang napaka-epektibong pamamaraan upang matamo ang pangunahing layunin sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na komunidad sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.