Bigas

DSWD tatanggap ng 490K sako ng bigas sa NFA

Cory Martinez Jun 3, 2025
35 Views

AABOT sa 490,000 na sako ng bigas ng National Food Authority (NFA) ang isusuplay ng Department of Agriculture (DA) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula sa Hunyo hanggang Disyembre.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaprubahan niya ang kahilingan na ito ng DSWD upang mapalakas ang pagtugon ng ahensiya sa mga kalamidad at feeding programs para sa mga mahihinang komunidad sa buong bansa.

Nagpasalamat si DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Tiu Laurel sa pag-apruba nito at binigyang-diin ang importansiya ng alokasyon sa bigas para suportahan ang libu-libong mahihirap na Pilipino.

“Kailangan namin ng 35,000 na sako ng bigas kada buwan upang mapanatiling operational ang aming repacking hubs sa Pasay City at Cebu,” ani Gatchalian.

Naaayon ang hakbang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kolaborasyon ng mga ahensya upang mas mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko.

Isa ang DSWD sa mga ahensya ng pamahalaan na regular na kumukuha ng supply ng bigas sa NFA para sa kanilang social support programs.

Binigyang-diin pa ni Tiu Laurel ang pakinabang ng dalawang ahensiya sa nabanggit na kasunduan.

“Ang DA ang dapat na magpasalamat sa DSWD dahil sa pagtulong na mailabas ang malaking bahagi ng ating imbak na bigas.

Napapaluwag ang warehouses at nakakabili ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka sa patas na presyo,” sabi ng kalihim.

Lagpas na sa walong milyong sako ng bigas ang stocks ng NFA kaya halos mapuno na ang mga bodega nito.