Taxi Holdup

Dumayo ng holdap, tiklo sa Caloocan

Edd Reyes Feb 13, 2025
15 Views

BarilKULONG ang sinapit ng dalawang pinaghihinalaang holdaper na dumayo sa Metro Manila para mambiktima ng taxi driver sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Edcille Canals ang mga naarestong suspek na sina alyas Michael, 26, at alyas Jojo, 19, na nadakip sa Quezon City ilang oras matapos mangholdap sa Caloocan City.

Sa isinumiteng ulat, sumakay ang mga suspek sa taksing minamaneho ng biktimang si alyas Baham, 47, dakong alas-4:00 ng umaga sa Clover Leaf, Quezon City.

Pagsapit sa EDSA, Brgy. 139, Caloocan, tinutukan na ng baril ang driver at nagdeklara ng holdap.

Matapos makuha ang kanyang mobile phone na nagkakahalaga ng P7,800 at P1,600 na kita sa pamamasada, tumakas ang mga suspek patungong West Service Road, Quezon City.

Nang magsumbong ang biktima sa Caloocan Police Sub-Station-5, nadakip ang mga suspek sa Balintawak pasado alas-10:00 ng umaga.

Hindi na nabawi ang mga tinangay sa biktima pero nakumpiska kay alyas Michael ang hindi lisensyadong kalibre .38 revolver at apat na bala.

Mga kasong robbery holdup at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code) ang isasampa laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.