Bautista

DUMPER-PTDA Party List: Hindi tigil pasada ang sagot sa problema ng transportasyon sa bansa

Mar Rodriguez Mar 7, 2023
303 Views

IGINIGIT ng Drivers United for Mass Progress and Equal Rights-Philippine Taxi Drivers Association (DUMPER-PTDA) Party List Group sa hanay ng mga “jeepney operators at drivers” na hindi transport strike o “tigil pasada” ang sagot sa ksalukuyang gusot sa sektor ng transportasyon sa bansa.

Binigyang diin ni DUMPER-PTDA Party List Congresswoman Claudine Diana Bautista-Lim, Vice-Chaiperson ng House Committee on Transportation, na hindi maso-solusyunan ng “tigil pasada” ang problema ng transportasyon sa bansa. Sa halip ay sa pamamagitan ng maayos na dialogo o pag-uusap.

Sa gitna ng isang linggong “tigil pasada”, sinabi ni Bautista-Lim na ang pinaka-mainam na pamamaraan pa rin upang resolbahin ang sigalot sa pagitan ng mga jeepney drivers, operators at pamahalaan ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maaayos na pag-uusap kaugnay sa usapin ng “jeepney phase-out”.

Ipinaliwanag ni Bautista-Lim na lagi naman handang makinig si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at ang pamahalaan nito sa pakikipag-dialogo sa hanay ng mga driver at operators para maisulong ang pina-planong pagbabago sa kasalukuyang “transport system” ng bansa.

Sinabi ng kongresista na bagama’t lehitimo ang hinanaing mga drivers at operators ng transport sector. Subalit kailangan naman nilang ikunsidera o isa-alang-alang ang kapakanan ng libo-libong pasahero na inaasahang maaapektuhan din ang kanilang kabuhayan at trabaho dahil sa tigil pasada.

Ikinagalak din ni Bautista-Lim ang ipinakitang malasakit ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez matapos mag-provide ng 100 buses ang Kamara at Malakanyang upang tulungan ang libo-libong Metro Manila commuters na naapektuhan ng isang linggong “jeepney strike”.

“Through the joint effort of the House of Representatives and Malacanang. We have fielded 100 buses to augment the number of vehicles provided by local government agencies that would provide free rides to affected commuters,” ayon naman kay Speaker Romualdez.