bro marianito

“DUNGIS”

323 Views

Isang kuwento at pagninilay 

Ang aking karumihan ay nilinis ng Panginoon:

ANG lahat ng tinawag ng Panginoong Diyos para maglingkod sa kanya bago pa man siya napabilang sa kawan nito ay mayroong mapait, masalimuot at komplikadong nakaraan sa kanyang buhay. Minsan sa kanyang naging lumang pamumuhay ay nakakagawa siya ng mga bagay na hindi niya alintana, labag sa kautusan ng ating Panginoon at karima-rimarim sa paningin ng ibang tao. Ang pagkakadapa ng isang tao mula sa kanyang mapait na karanasan. Ang kadalasan na nagiging simula ng kanyang pagbabago o renewal at pagbangon, dito nagsisimula ang kanyang conversion. Kagaya na lamang ng naging karanasan ng mga Alagad ng ating Panginoong Hesukristo, sapagkat hindi lahat ng kanyang Alagad ay maituturing na mabubuti at matuwid bago sila tinawag ng ating Panginoon.

Ang karamihan sa kanyang mga Apostoles ay dating makasalanan na nag-bagong buhay at naliwanagan na lamang mula ng sila ay tawagin ng ating Panginoon upang maglingkod sa kanya. Ganito ang aking naging personal na karanasan.

Bago pa man ako naging isang Lay Minister, Dominican Laity at ngayon naman ay Estudyante ng Masters In Preaching. Magulo at masalimuot din ang aking naging buhay. Ako ako nabubuhay sa karumihan, kahalayan at kamunduhan, subalit ang lahat ng ito ay inalis iwinaksi ng Panginoon, upang ang dati at lumang Mar Rodriguez ay maging isang bagong Bro. Mar Rodriguez.

Ang mga bagay na ginagawa ko dati ay masasabi kong hindi kaaya-aya sa paningin ng Diyos. Mga bagay na inaalok ng mundong ito, tulad ng pagkahumaling sa mga material na bagay, tulad ng salapi. Ganito ang naging buhay ko bago pa man ako tinawag ng ating Panginoon para magsilbi sa kanya. Ako rin ay hindi lamang nahumaling sa mga material na bagay. Bagkos nahumaling din ako sa tawag ng laman o mas kilala bilang labis na pagkahumaling sa kamunduhan.

Ang pakiramdam ko nuon, kapag may kaulayaw o kapiling akong babae na hindi ko naman asawa. Nararamdaman ko sa sarili ko na, ako ay malakas, macho at palikero. Subalit ang hindi ko nalalaman ay lalo kong lamang palang inilulubog ang sarili ko sa kumunoy ng kasalanan na sa bandang huli ay ikalulunod ko rin. Hanggang sa ako’y tuluyan ng masakal sa dami ng kasalanan kong nakakulapol sa aking leeg, pakiramdam ko’y, hindi na ako makahinga.

Ako ay nagpatuloy sa aking masasamang gawain tulad ng pambababae, paglalasing, sobrang pagkahumaling sa salapi at masyado akong bilib sa aking sarili. Ang pakiramdam ko sa sarili ko, hindi ako babagsak sa lupa dahil masyadong mataas o matayog ang aking kinalalagyan. Sa halip na magpakumbaba ako at humingi ng tawad sa Diyos dahil sa mga maling ginagawa ko, binigyang katuwiran ko pa ito sa pamamagitan ng pagsasabing: “Kaya ko lamang ito nagagawa ay dahil may pagkukulang din ang aking asawa, kaya hindi naman masama kung bibigyan ko ng kaunting kaligayahan ang aking sarili, tutal, nagagampanan ko naman ang aking tungkulin bilang asawa at ama ng aking mga anak.”

Ikinakatuwiran ko din na okey lamang na ito ay aking gawin tutal. Iyon naman talaga ang dapat nating gawin dito sa ibabaw ng lupa, ang mag-enjoy. Hangga’t wala kang inaagrabyadong tao.

Pinandigan ko ang pangangatuwirang ito. Sa pag-aakalang mauunawaan ako ng Panginoon sa aking mga ginagawa at siya ang gagawa ng paraan para masolusyunan ang anomang kakulangan ng aking asawa sa akin kagaya ng kawalan ng panahon upang ako ay arugain sa aking mga pangangailangan at kawalan ng sapat na atensiyon sa akin.

Dumating pa nga sa punto na parang sinisisi at sinusumbatan ko pa ang Diyos na kung tinutulungan lamang niya ako sa problema ko sa aking asawa ay hindi ko magagawa ang bagay na immoral. Sabi ko sa Diyos, hinhinto lang ako sa aking masamang gawain kapag napa-bago na niya ang pakikitungo sa akin ng aking asawa, para naring may kahalong paghahamon sa Diyos.

At kapag ako ay nagsisimba. Wala ang focus ko sa Misa kundi sa mga naging “sex-capades” ko nuong nagdaang mga araw. Na para bang sa halip na ihingi ko ng sisi sa Panginoon ay tila napapangisi pa ako kapag naaalala ko ang mga immoral na bagay na aking nagawa. Naninindigan ako na kaya ko lamang nagagawa ang isang bagay na hindi tama. Ay dahil may isang bagay ang hindi tama kaya hinahanapan ko ng solusyon sa pamamagitan ng pangangalunya.

Ipinagpapalagay ko na maunawain at mahabagin ang Diyos at maiintindihan niya ako kung bakit ako nakakagawa ng mga bagay na ito, kaya ipinagpatuloy ko ang aking masamang gawain, makamundong pamumuhay at kahalayan sa pamamagitan ng pakiki-apid. Subalit ang lahat ng bagay ay may hangganan, ang lahat ng mga bagay dito sa mundo ay may katapusan sa takdang panahon.

Ganito nagsimula ang pangyayaring iyon at ito rin naging simula ng hindi maipaliwanag na pagbabago sa aking buhay. Totoo ang kasabihan na ang baho itago mo man ng matagal sisingaw at sisingaw din. At sinasabi sa Banal na Kasulatan, ang lihim itago mo man ay malalantad din. Nalantad sa aking asawa ang lahat ng ginagawa ko, walang nailihim, nalantad ang lahat ng sine-sikreto ko. Ito ay humantong sa isang magulong pagtatalo, pag-aayaw, singhalan at ilang araw na hindi pagkikibuan.

Parang pinagsakluban ako ng langit sa pangyayaring iyon. Para hindi kaya ng dibdib ko ang mga nangyayari, dahil ang aming pag-aaway ay humantong sa murahan at sigawan. Dahil sa sobrang bigat na dinadala ko sa aking dibdib at dahil sa sobrang sama ng loob, kung ano-anong mga bagay na ang aking naiisip upang wakasan ang aking paghihirap sa pamamagitan ng pagpapakamatay.

Pumasok na nga sa aking isip ang magpakamatay na lamang, sa katunayan pinag-iisipan ko na kung paano ko tatapusin ang aking buhay. Kung anong uri ng pamamaraan ang gagawin ko. Ako ba ay iinom ng lason, magsasaksak sa aking sarili, iinom ng maraming gamot hanggang sa ma-overdose o magbibigti. Subalit may isang bagay lamang ang pumipigil sa aking masamang binabalak. Ang aking mga anak, paano ang mangyayari sa kanila kapag nawala ako? Lalo na ang aking mahal na Ina, ang Mommy ko. Sino ang mag-aalaga sa kanya? Paano ka niya matatanggap kapag nakarating sa kanya ang balita na nagpakamatay ako? Ito ang pumipigil sa akin.

Inaalala ko na baka lalong mapariwara ang mga anak ko dahil wala ng mag-aalaga at susubaybay sa kanila. Wala na ang isang padre-de-pamilya na aagpay sa kanila. Wala naring titingin sa aking Mommy, baka lalong mapadali ang kanyang buhay kapag nabalitaan niya ang nangyari sa akin.

Ang pakiramdam ko kasi noong mga panahong iyon ay hindi ako mahal ng aking pamilya, pakiramdam ko, wala akong halaga sa kanila, ang pakiramdam ko hindi nila naa-appreciate ang lahat ng aking mga ginagawa para sa kanila.

Hindi ko man naituloy ang aking pagpapatiwakal. Sa halip, nilunod ko na lamang ang aking sarili sa gabi-gabing pag-iinom, ilang araw akong umuuwi sa aming bahay na lasing sa alak. Hindi kami nag-uusap ng aking asawa at hindi kami nagpapansinan. Bagama’t hindi ko na itinuloy ang maitim na balak, subalit dahil sa nangyayari sa aming mag-asawa para narin akong namatay, dahil oo nga at umuuwi ako aming bahay, ang aming hindi pagkikibuan ay lalong nagpapalala sa aming sitwasyon.

Doon ko naisip na mayroon nga akong salapi sa bulsa ko noong mga oras na iyon. Subalit ano ang magagawa ng perang ito para sagipin ako sa sobarang hinagpis na nararamdaman ko. Maaari ba akong makabili ng kaligayahan para mawala ang bigat na nararamdaman ko? Doon ko napagtanto na wala palang magagawa ang pera kapag nasa ganoon kang kalagayan, kahit pa gaano karami ang iyong salapi.

Hanggang sa isang gabi ng Huwebes (Buwan ng Marso), bago ako umuwi sa bahay matapos ang ilang oras na pag-iinom. Kung anong nagtulak sa akin para dumaan sa Sto. Domingo Church na hindi ko naman madalas na ginagawa, dahil dumadaan at pumapasok lamang ako ng simbahan kapag may kailangan ako sa Diyos, masyado kasi akong makasarili. Kung anong nagtulak sa akin para gawin ito ay hindi ko alam, pumasok ako sa loob ng Simbahan at nakarating hanggang sa gitna.

Sa hindi maipaliwanag na pangyayari, bigla kong nasabi ang mga salitang ito na hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa:

“Panginoon, ngayon ko po napag-isip isip. Na napakalaki pala ng aking kasalanan at pagkukulang sa iyo, sorry po, sorry po Panginoon, sana bigyan mo po ako ng isa pang pagkakataon. Hindi ko po kaya ang nangyayari ngayon sa aking pamilya, patawarin mo po ako Panginoon sa lahat ng aking pagkukulang at kasalanan sa iyo. Diyos ko! Sorry po! Patawarin mo ako Panginoon! Ipinapangako ko, magbabalik loob na ako sa iyo! Ipinapangako ko! Hindi ko na gagawin ang mga masamang gawain ko! I am sorry, I’m very sorry Lord.”

Habang sinasabi ko ang mga salitang ito. Hindi ko namalayan na tumiklop pala ang aking mga tuhod, napaluhod at nagmamakaawa sa harapan ng Diyos at nakataas ang aking mga kamay na parang sumusuko sa isang taong makapangyarihan. Parang isang kriminal at makasalanan na handa ng ibigay ang buong sarili, ako nasa harapan ng Kristong nakikita natin ngayon sa gitna ng altar ng Sto. Domingo. Umaagos ang makapal na luha sa aking mga mata. Nagsisisi at nagbabalik loob. Sa mga sandaling iyon, isinusuko ko na ang buong buhay ko sa Kristong nasa gitna ng altar, nangako ako na ako ay magbabagong buhay na at tatalikuran ang lumang pamumuhay.

Ang dating Mar Rodriguez na punong puno ng pride ay parang isang asong nabahag ang buntot, nawala ang aking pride at natuto akong magpakumbaba sa harapan ng Diyos at aminin mula sa kaibuturan ng aking puso ang aking pagkakamali at nakahandang magbalik loob sa kanya.

Ang imbitasyon sa akin ng Panginoon tulad ng pagkakatawag niya sa kanyang mga Alagad:

Dito nagkatoo ang sinasabi ng Banal na Kasulatan na hindi naparito si Hesus upang tawagin ang mga walang sakit kundi ang mga may sakit.

Matapos ang pangyayaring ito. Parang gumaan ang aking pakiramdam at kasunod nito ang muli naming pagkikibuan ng aking asawa. Ang pakiramdam ko, napatawad na ako ng Diyos sa aking mabibigat na kasalanan. Simula nuon, umiwas na ako sa tukso ng laman at tuluyan ng tinalikuran ang pakiki-apid bagama’t may ilang pagkakataon na tila sinusubok ako sa pamamagitan ng pang-aakit. Subalit nanindigan ako na hindi na ako babalik sa putik na pinanggalingan ko. Nilis na ako ng Panginoong Diyos mula sa aking karumihan kaya pinandigan ko na hindi na ako muling magkakasala pa.

Pinagkatiwalaan ako ng Panginoon kaya hindi ko sisirain ang pagtitiwalang iyon. Hanggang sa isang hindi maipaliwanag na pangyayari sa buhay ko. Pumasok sa aking isip ang paglilingkod sa Simbahan sa pamamagitan ng pagiging isang Lay Minister.

Noong una, tila natawa pa ako sa pangyayaring ito, sapagkat ang pagkaka-alam ko ang lahat ng nagsisilbi bilang Lay Minister ay pawang matatanda at ilang sandali na lamang ang inaantay nila at malapit na silang pumanaw. Nasabi ko sa aking sarili: “Ako, magiging isang Lay Minister.” Kasabay ng nakakalokong ngiti.

Magkagayunman, itinanong ko sa Panginoon sa aking isip kung nais ba talaga niyang magsilbi ako sa kanya. Kaya nasabi ko ang mga ganitong kataga: “Kung nais mo akong magsilbi sa iyo, bigyan mo ako ng sign na talagang gusto mo akong mag-serve sa iyo.”

Lumipas ang ilang buwan ng paghihintay ng sign mula sa Panginoon. Hindi ito dumarating, hanggang sa nasabi ko sa Diyos na kung talagang nais niya akong maglingkod sa kanya. Noong mga panahong iyon, nasa kasagsagan ng kalakasan ang isang team sa Philippine Basketball Association (PBA) na Barangay Ginebra kung saan ang Coach noong mga panahong iyo ay si Al Francis Chua. Sinabi ko sa Diyos na kung makakapasok sa Finals ng 2013 Commissioners Cup ang Ginebra kontra Alaska ay duon ako magsisilbi sa kanya bilang Lay Minister. Parang may paghahamon pa ang aking mga salita: “Sige nga titignan ko kung talagang totoo may Kristo, maniniwala na talaga ako sa kanya kapag nangyari ito”

Pinatunayan nga ni Hesus na siya ay totoo. Dito rin pinatunayan ng Panginoon na walang imposible sa kanya. Kahit na kakaiba ang naging panukala o proposal ko sa kanya. Pumasok nga sa Finals ang Ginebra. Gayunman, nagkaroon ako ng pagdududa at pagdadalawang isip, nasabi ko sa sarili ko na baka na-chambahan lang ng Ginebra ang kanilang pagkakapanalo.

Kaya muli kong sinabi sa Panginoong na kung talagang totoo itong pangyayaring ito. Muli mong patunayan sa akin na ito ay galing sa iyo kapag nag-Champion ang Ginebra. Dito pumasok sa aking isip ang kuwento ni Thomas na alagad ni Hesus na mas kilala bilang “Thomas the Doubter”. Sinabi ng Panginoon kay Thomas: “Huwag kang magduda, maniwala ka.”

Inalis ko ang pagdududa at naninwala ako. Tinanggap ko ang imbitasyon ng Panginoon ng wala ng pag-aalinlangan. Maaaring kakaiba at hindi pang-karaniwian ang pagkakatawag sa akin ng Panginoong Hesu-Kristo, subalit mahalaga pa ba kung paano ang sistema ng kanyang pagkakatawag sa akin o kung paano ako tumugon sa kanyang tawag?

Ang pagpasok ko sa Dominican Laity ang lalong nagpatibay sa aking pananampalataya:

Malaki ang aking paniniwala na ang lahat ng bagay na nangyari sa aking buhay ay mayroong talagang purpose o dahilan. Sa umpisa ay hindi natin ito lubos na mauunawaan at pilit nating hinahanapan ng kasagutan, subalit tanging Diyos lamang ang nakakaalam. Sa bandang huli, dito natin magiging malinaw sa atin ang lahat kung bakit nangyari ang mga bagat na ito sa ating buhay.

Isa lamang ang dahilan. Ang lahat ng ito ay sadyang nasa plano ng ating Panginoon. Ganito ang aking karanasan naman bilang isang DOMINICAN LAITY, simula ng pumasok ako bilang Dominican Laity base narin sa imbitasyon ng namayapang si Sister Emellie Callanta. Naramdaman kong lalong tumibay ang aking pananampalataya sa ating Panginoon, anuman ang pagsubok na nararanasan ko sa buhay. Hindi ako basta sumusuko at nawawalan ng pag-asa. Hindi tulad noong mga panahong wala pa ako sa piling ng ating panginoon.

Dumating man ang mga mabibigat na pagsubok sa aking buhay. Lalo na noong mga panahong isang taon at kalahati akong walang trabaho, hindi ako basta basta pinanghinaan ng loob dahil alam ko na ang nararanasan kong krisis ay pagsubok lamang ng Diyos.

Maihahalintulad ko ang pinaka-huling pagsubok ko sa buhay sa kuwento ni Job. Subalit kung papaano ako bumagsak at nag-hirap ay ganoon din ako ibinangaon ng ating Panginoon. Mahaba pa ang kuwento ng aking pananampalataya, subalit hindi na mahalaga kung paano koi to iku-kuwento, ang mahalaga ay nabubuhay ako ng naa-ayon sa kalooban ng Diyos at kung paano ako nakakasunod sa kanyang mga utos.