Calendar
Duwag si Robredo, hindi si BBM
NOONG nakaraang Enero, 2022, hindi pinaunlakan ni dating Senador, na ngayon ay tumatakbong pangulo,na si Bongbong Marcos (BBM) ang paanyaya na lumahok sa isang programa sa telebisyon ng GMA-7 network kung saan si Jessica Soho ang tagapamagitan. Ang plano ni Soho ay itabi niya si BBM, na malayong nangunguna sa mga survey, sa mga katunggali nito sa halalan.
Tinuturing ng kampo ni BBM na hindi patas si Soho na tagapamagitan dahil may kinikilingan ito. Yayamutin lamang ni Soho si BBM sa mga katanungang-personal nito. Ang gustong pag-usapan ni BBM ay ang mga kanya-kanyang plataporma at ang layunin niya na magkaisa. Dahil doon, pinili ni BBM na hindi lumahok sa programa ni Soho upang makaiwas sa isang hindi patas at hindi balanseng pagtatanong.
Dahil sa pangyayaring ito, pinaulanan ng mga internet trolls ni Leni Robredo ng pambabatikos si BBM, na siya namang ikinalat sa mga pahayagang kakampi ni Robredo. Tinawag nilang duwag si BBM.Dinagdagan pa ng pambabatikos laban sa tatay ni BBM na si dating Presidente Ferdinand E. Marcos na matagal ng sumakabilang-buhay.
Ngunit, pinili pa rin ni BBM na hindi bigyan ng kahalagahan ang mga walang-saysay na pambabatikos.
Noong nakaraang linggo, ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ay bumuo ng isa ding talakayan na gaganapin din sa telebisyon, at ito’y dadaluhan din ng mga kumakandidato sa pagkapresidente. Kasama sa mga napiling kalahok sa talakayan ay si BBM na nangunguna sa mga survey; ang Mayor ng Maynila na masyadong mapagpahalaga sa sarili na si Isko Moreno Domagoso; ang dalawang beses ng nabigo sa pangarap na maging Presidente na si Senador Panfilo Lacson; ang mababaw mag-isip at nalusawan ng utak, dulot ng libo-libong suntok na tumama sa ulo niya dahil sa pakikipagboksing sa mga kalabang propesyonal na mga boksingero tulad niya, na si Senador Manny Pacquiao; at ang reyna ng mapagsamantala at mapanlinlang na pamumulitika na si Robredo.
Ang magbabato ng mga tanong sa talakayang ito ay mga mamamahayag na pinili ng KBP. Kung papaano at bakit sila ang napili para sa gayong papel ay hindi pinaliwanag ng KBP.
Apat sa limang naanyayahang mga kandidato ay dumalo, pwera lang si BBM, na nagpasintabi dahil siya’y nakapagtalaga na sa isang naunang paanyaya.
Kaya, heto na naman ang mga trolls ni Robredo na muling binansagang duwag si BBM sa social media. Sinundan naman ito ng isang anti-Marcos na pahayagan na agarang naglabas ng maaanghang na komentaryo.
Sa muling pagkakataon, ang kampo ni BBM ay hindi pinahalagahan ang masasakit na mga salita na pinukol sa pambato nila.
May mga praktikal na dahilan kung bakit hindi kaaya-aya para kay BBM ang dumalo sa ganitong talakayan. Napakalaki ang lamang ni BBM sa mga survey, at ang kanyang mga taga-suporta ay tiyak na boboto sa kanya kahit na hindi siya magpapakita sa mga ganitong uri na talakayan. Ang ganitong uri na mga talakayan ay magbibigay lamang ng pagkakataon sa kanyang mga katunggali, pati na rin ang mga mamahayag na may kinikilingang kampo, na pagtulungan siya, batikusin, at ipahiya siya sa hindi patas at walang-saysay na kadahilanan at pamamaraan.
Hindi ko sinasabi na hindi kaya ni BBM na harapin ang ganitong sitwasyon. Sa tingin ko, handa naman siyang humarap sa mga ganitong uri ng bakbakan. Ngunit ang tanong ay, bakit? At, ano ba ang mapapala?
May aanihin bang boto si BBM galing sa mga manonood ng talakayan? Mapapabaliktad pa ba niya ang mga dilawan? O, ang mga tagahanga ng isang dati, ngunit ngayo’y laos na, na artista? O, ang mga disipolo ng isang dating boksingero? O, ang mga tagapagtaguyod ng isang dating militar?
Sa taas ng nakukuha niya sa mga survey, kapiranggot na lang, kung meron mang babaliktad pa.
Ngayon, hindi ba lahat tayong mga Pilipino, wika nga, ay nakasakay sa isang barko na ang magtitimon aysi BBM kung siya nga ang magtatagumpay sa darating na halalan? Kaya bakit naman itutulak palayo ni BBM ang iba sa atin, kahit ang mga pumapanig sa mga katunggali niya, kung pagkatapos ng halalan ay kailangan din niyang hatakin ang mga ito para sa ikauunlad ng bayan?
Ano naman kaya ang pinakamabuting gawin ng isang kandidato, na may 60% na pangunguna sa survey at higit pa sa pinagsama-samang mga porsiyento ng mga boto ng mga katunggali niya?
Tingin ko, mas mabuting ipaliwanag na lang ni BBM kung papaano niya matutugunan ang mga problemang hinaharap ng ating bansa, kung papaano niya mapaunlad ang bayan, at kung papaano niya mapag-isa ang nagkakawatak-watak na mga mamamayan ng Pilipinas para lalong mapalakas ang sari-saring aspeto ng pambansang pamumuhay.
Sa ganitong paraan, tiyak na ang 60% ng mga botante na pumili kay BBM sa mga survey ay mananatiling siya pa rin ang mapupusuan at ibobotong Presidente pagdating ng halalan sa Mayo, 2022.
Ngayon, nararapat ba na tawaging duwag si BBM?
Kung matatandaan ninyo, pagkatapos marahas na pinatalsik sa Pilipinas ukol ng 1986 Rebolusyon sa EDSA, si BBM ay kusang bumalik sa bansa, kahit alam niyang naghihintay ang samut-samot na mga kaso at pag-uusig na manggagaling sa mga mapaghiganting kalaban sa pulitika. Hindi natakot si BBM na harapin ang lahat ng ito. Para sa akin, sapat na yan para sabihing hindi nararapat tawaging duwag si BBM.
Sa aking pananaw, si Leni Robredo ang tunay na duwag. Bakit ayaw niyang aminin na hindi talaga siya tunay na tumatakbo bilang independyente tulad ng sinasabi niya? Bakit ayaw niyang aminin na sa katunayan ay kandidato siya ng kinasususklamang Partido Liberal? Bakit nga? Dahil naduduwag siya. Naduduwag si Robredo na humarap sa ating mga Pilipino na hindi nakamaskara ng pink upang makitaang tunay niyang dilawang kutis.