Calendar
Dy nananawagan sa NEA para matigil na mismanagement sa mga electric coops
NANANAWAGAN si House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V sa National Electrification Administration (NEA) para matigil na ang nangyayaring “mismanagement” sa mga electric cooperatives.
Kinalampag ni Dy si NEA Chief Antonio Almeda para agad itong kumilos at mahinto na ang nagaganap na mismanagement sa mga electric cooperatives sa iba’t-ibang panig ng bansa. Kung kaya’t apektado nito ang kalidad ng electric supply o serbisyo ng mga nasabing local electric companies.
Nauna rito, hindi naitago ni Dy ang kaniyang pagkadismaya sa palpak at mahinang serbisyo ng mga electric cooperatives sa pamamagitan ng pagsu-supply nito ng kuyente sa kanilang mga electric consumers matapos itong magbigay ng kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara.
Sinabi ni Dy na maging ang kaniyang mga kapwa kongresista ay mayroong kani-kaniyang karanasan kaugnay sa mababa o mahinang kalidad ng serbisyo ng kanilang mga electric cooperatives. Bukod pa aniya dito ang napapabitang anomalya na nangyayari sa loob ng mga nasabing electric cooperative.
Ang naging talumpati ni Dy ay patunkol sa 54th founding anniversary ng National Electrification Administration (NEA) ngayong araw (August 9, 2023) subalit sa kabila nito ay patuloy umanong naghihikahos ang iba’t-ibang lalawigan dahil sa napakahinang serbisyo ng kani-kanilang electric cooperatives.
Dahil dito, binigyang diin ni Dy na panahon na umano para matuldukan ang pang-aabuso ng ilang opisyales ng mga electric cooperatives sa pamamagitan ng pagpapabago sa mga polisya na pinaniniwalaang nagpapahirap sa mga electric consumers at mga mamamayan.
“Panahon na para tuldukan natin ang mga pang-aabuso ng ibang mga opisyales ng mga electric cooperatives natin. Panahon na rin para baguhin ang kanilang mga polisiya na mismong nagpapahirap sa mga kooperatiba at nagdudulot ng problema sa ating mga mamamayan,” sabi ni Dy.
Ikinatuwiran pa ng mambabatas na kung hindi aaksiyunan ni Almeda ang kaniyang panawagan ay lalo lamang mananatili ang mga pang-aabuso ng ilang opisyales ng mga electric cooperatives.