Dy

Dy sang-ayon na malaki ang responsibilidad ng DA para pigilan pagtaas sa presyo ng bigas

Mar Rodriguez Dec 17, 2024
14 Views

SINANG-AYUNAN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V ang naging pahayag ng kapwa nito kongresista na malaki ang responsibilidad ng Department of Agriculture (DA) upang pigilan nito ang walang pakundangang pagtaas sa presyo ng bigas na nagpapahirap sa mga mamimili.

Ayon kay Dy, Vice Chairman din ng House Committee on Tourism, kinakatigan nito ang pahayag ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na mayroon umanong kapangyarihan ang Agriculture Department na nakapaloob sa Price Act upang kumilos at labanan ang pagmamanipula ng malalaking rice cartel sa presyo ng bigas at pag-iimbak nito.

Pagdidiin ni Dy na hindi maaari aniyang ikatuwiran ng DA na wala silang kapangyarihan na habulin ang mga taong nagsasabwatan para kontrolin o kaya ay manipulahin ang presyo ng bigas dahil batay sa itinatakda ng Price Act ay mayroon umano silang malaking responsibilidad.

Sabi pa ng kongresista na kung ganito ang ikakatuwiran ng DA. nangangahulugan lamang umano na nag-aatubili silang habulin at papanagutin ang mga malalaking rice cartel na nagpapahirap sa mga mamamayan dahil sa ginagawa nilang pagkontrol sa presyo ng bigas sa iba’t-ibang pamilihan.

“Hindi sila pupuwedeng mangatuwiran ng ganyan dahil may kapangyarihan silang pigilan ang pagtaas sa presyo ng bigas. Kung ganyan, lumalabas na naduduwag silang labanan ang mga cartel na ito,” wika ni Dy.

Nagpaabot naman ng taos pusong pagbati ang House Deputy Majority Leader para sa lahat ng mga pumasa sa Bar Examination. Ipinahayag nito na ang pagiging isang abogado ay kinakailangang isa-alang alang ang kapakanan at kagalingan ng mga taong naghahanap ng hustisya.