Calendar
E-bike driver inginuso ng testigo, inaresto sa pagholdup,pagpatay ng pasahero
TIMBOG ang 26-anyos na e-bike driver na umano’y nangholdap at pumatay sa kanyang pasaherong babae matapos ituro ng nakasaksing testigo Lunes ng umaga sa Caloocan City.
Natunton ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Rodman” malapit sa kanyang tirahan sa Gen. Luis St., Brgy. 13 matapos ituro ng nakakilalang testigo kay P/Capt. Zoilo Lopez, hepe ng Tuna Police Sub-Station 1.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng e-bike na minamaneho ng suspek ang biktimang si Angelica Dequina, 33, galing ng Monumento dakong alas-6:05 ng umaga nang magkaroon ng komosyon matapos magdeklara umano ng holdap ang suspek pagsapit sa 4th Avenue
Tinangkang manlaban ng biktima subalit pinagsasaksak siya ng suspek hanggang makatakbo palayo para humingi ng tulong sa mga residente sa C. Namie St.
Gayunman, dahil sa dami ng tinamong tama ng saksak sa leeg at iba’t-ibang bahagi ng katawa ang biktima, duguan na siyang nahandusay at nawalan ng buhay sa isang eskinita sa C. Namie St. Brgy. 38.
Nakuha naman ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng salarin na may bahid pa ng dugo.

