Eala

Eala, PH Men’s Curling Team kinilala ng Kamara; Rep. Romero pinuri sa tagumpay sa Polo

19 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representante ang tatlong resolusyon na kumikilala sa mga naabot na tagumpay kamakailan ng mga atletang Pilipino gaya nina tennis prodigy na si Alexandra “Alex” Eala, ang Philippine Men’s Curling Team, at si 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero para sa panalo ng kanyang koponan sa isang prestihiyosong torneo ng polo sa Estados Unidos.

Si Eala, na 19 na taong gulang pa lamang, ang unang Pilipino na nakapasok sa Top 100 ng Women’s Tennis Association (WTA) rankings, matapos ang kahanga-hangang performance nito sa 2025 Miami Open.

Bilang isang wild card entry na nasa ranggong No. 140, ginulat ni Eala ang mundo nang talunin ang tatlong Grand Slam champions — sina world No. 25 Jelena Ostapenko, world No. 5 Madison Keys, at world No. 2 Iga Swiatek — bago natalo kay world No. 4 Jessica Pegula.

Matapos ang torneyo, umakyat si Eala sa World No. 72, dahilan upang maging pinakamataas na ranggo na naabot ng isang Filipina sa kasaysayan ng WTA at ikalawang pinakamataas na ranggong teenager sa kasalukuyang talaan.

Bago ito, naiukit na rin niya ang kasaysayan nang masungkit ang 2022 US Open Girls’ Singles title, na isa ring unang tagumpay para sa Pilipinas.

“For her impressive performance in the 2025 Miami Open and numerous achievements in tennis, 19-year-old Alexandra Maniego Eala deserves the highest commendation, as her unwavering dedication, exceptional talent and relentless perseverance serve as an inspiring testament to the power of hard work and the right opportunities,” pahayag nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng iba pang may-akda ng House Resolution No. 2287.

Samantala, naiuwi naman ng Philippine Men’s Curling Team ay ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa 9th Asian Winter Games na ginanap sa Harbin, China noong Pebrero.

Ang tagumpay na ito ay itinuturing na pinakamataas na narating ng isang bansa sa Southeast Asia sa larangang ito at nagbigay-daan sa pagkakakuwalipika ng koponan sa pre-qualifiers ng 2026 Winter Olympics.

Bahagi ng koponan sina Marc Angelo Otida Pfister, Enrico Gabriel Otida Pfister, Alan Beat Frei, Christian Patrick Haller, Benjo Delarmente, Miguel Gutierrez, at ang coach nilang si Jessica Sarah Pfister.

Mas naging kahanga-hanga ang kanilang kwento dahil mula sa pagkakaibang propesyon ang mga miyembro — kabilang ang isang construction worker, electrician, businessman, at banker.

“The excellent performance of the Philippine Men’s Curling Team during the 9th Asian Winter Games deserves utmost distinction and commendation for bringing honor and glory to the Philippines,” ayon sa House Resolution No. 2285.
Ang mga resolusyong ito ay pangunahing inakda nina Speaker Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. (Pampanga), House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe (Zamboanga City), Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos (Ilocos Norte), House Minority Leader Marcelino Libanan, at mga Tingog Party-list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre.

Kasamang may-akda ng resolusyong nagpupugay kay Eala si Deputy Speaker David Suarez ng Quezon.

Pinuri rin ng Kamara si Rep. Romero sa pinagtibay na House Resolution No. 2283, matapos manalo ang kanyang koponan na Globalport, sa iskor na 15-10 laban sa defending champion na Park Place sa CV Whitney Cup sa Wellington, Florida — ang kauna-unahang pagkakataon na isang koponan mula Asia ang lumahok at nagwagi sa prestihiyosong paligsahan.

“It was a historic win for Globalport… and a greater victory for Honorable Romero as the first Filipino player to score a goal in the opening leg of three prestigious events making up the Gauntlet of Polo,” ayon sa resolusyon.

Si Romero, na nasa huling termino na bilang kongresista, ay kinilala sa kanyang suporta at aktibong partisipasyon sa iba’t ibang larangan ng palakasan tulad ng basketball, volleyball, at baseball, at sa kanyang pangunguna sa pagpapaunlad ng polo sa Pilipinas.