Calendar
Ebidensyang hawak ng NBI sa kill plot ni Duterte kina PBBM, FL Liza, Speaker Romualdez pinag-aaralan na
NATAPOS na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay sa banta ni Vice President Sara Duterte na ipapatay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Department of Justice (DOJ) National Prosecution Service Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na nagpadala na sila ng mga prosecutor upang pag-aralan ang mga ebidensyang hawak ng NBI.
Ayon kay Fadullon, nakadepende sa resulta kung maglalabas sila ng rekomendasyong maghain ng reklamo sa DOJ o kung ibabalik muna ito sa NBI para sa pagpapatibay pa ng kaso o case buildup.
Sinabi naman ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na sa oras na matapos ang evaluation, malalaman kung dapat itong iangat sa preliminary investigation.
Una nang sinabi ni Duterte na may kinausap na siyang tao na papatay kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos at Speaker Romualdez sakaling mapatay siya.
Ayon kay Fadullon, patuloy pang hinahanap ng NBI ang taong inutusan ni Duterte.
Ilang beses na ring hindi sinipot ni Duterte ang subpoena ng NBI.