Adiong

Ebidensyang ihaharap ng NBI chief tutukan-prosecution panel

Mar Rodriguez Jul 20, 2026
75 Views

Tolosa2IGINIGIIT ng House prosecution panel na mas makabubuting tutukan na lamang sa mga ebidensiyang ihaharap ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag laban kay Vice President Sara Duterte at huwag ng pagtuunan ng pansin ang mga isyung wala namang kaugnayan sa kaniyang testimonya.

Nananawagan din ang prosekusyon sa Senate Impeachment Court na ituon ang pansin sa mga ebidensiyang ihaharap ni Matibag kaugnay ng imbestigasyon ng NBI sa umano’y grave threats ni Duterte at huwag hayaang mailihis ang pagdinig ng mga isyung walang kaugnayan sa kanyang testimonya.

Ayon kina House impeachment trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at House prosecution legal spokesperson-private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ihaharap si Matibag batay sa kanyang kaalaman sa isinagawang imbestigasyon ng NBI kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment.

“Para sa prosekusyon, ang aming pokus ay tiyaking maibabahagi ni NBI Director Matibag ang lahat ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng usaping grave threats.

Ilalahad niya ang mahahalagang resulta ng imbestigasyong isinagawa ng NBI kaugnay ng kasong ito,” ang pahayag ni Tolosa.

Si Matibag ang itinakdang huling testigo ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV na tumatalakay sa umano’y mga pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sinabi naman ni Adiong na ang pagtatanong ng prosekusyon kay Matibag ay lilimitahan lamang sa mga bagay na saklaw ng kanyang kaalaman bilang pinuno ng ahensyang nagsagawa ng imbestigasyon.

Nilinaw niya na hindi ihaharap si Matibag upang talakayin ang iba pa nitong pakikipag-ugnayan sa ibang tao dahil wala itong kaugnayan sa layunin ng kanyang testimonya.

Kinilala rin ni Tolosa na maaaring subukan ng depensa na kuwestiyunin ang kredibilidad ni Matibag sa panahon ng cross-examination.

“Karapatan nila iyon. Maaari nilang subukan,” sabi ni Tolosa.