Calendar
Ipinuntos ni Bongabon mayor Ricardo I. Padilla (nakatayo sa kaliwa) na tila helpless o wala nang magawa ang mga alkalde na makitang patuloy na nagigiba ang kalsada’t tulay dahil sa mga overloaded na trucks na dumadaan sa kanilang lugar. Nakikinig sa kanya si Cuyapo Mayor Jose S. Hidalgo Jr. (kanan-dulo) retiradong police general at dating hepe ng Central Luzon PNP. Kuha ni STEVE A. GOSUICO.
Ecija mayor: Pagbawal sa overloaded na sasakyan kailangan ng political will
ZARAGOSA, Nueva Ecija – Inamin ng mga municipal mayor sa Nueva Ecija na tila “wala silang magawa” habang nakikita na patuloy na nasisira ang mga pampublikong imprastraktura tulad ng mga kalsada at tulay sa kani-kanilang nasasakupan dahil sa overloaded na trucks.
Ipinabatid ni Bongabon mayor Ricardo I. Padilla, Vice President ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija chapter, ang sentimyentong ito ng mga alkalde kaharap ang mga kinatawan ng First at Second Engineering District offices ng Department of Public Works and Highways sa lalawigan.
Inimbita ng LMP-NE ang DPWH-NE upang talakayin ang paksa,”DPWH anti-overloading, road safety at infrastructure durability” sa unang regular na buwanang pagpupulong ng LMP-NE sa pamumuno ni Zaragosa Mayor Lally Belmonte-Espiritu na ginanap sa Modesta private resort and events center sa Bgy. Del Pilar nitong Huwebes.
Sa forum, namahagi ang DPWH sa mga alkalde ng xerox na kopya ng resolusyon ng DPWH na naglalaman ng mga implementing rules and regulations (IRRs) ng Republic Act No. 8794 (Motor Vehicle User’s Charge) o ang Anti-Overloading Act of the Philippines.
Dito nag-react si Padilla, isang retiradong police general, sinabi niya: “Ano ang gagawin namin dito,” habang hawak ang nasabing DPWH-IRR xerox copy. “Ang pakialam namin eh nadudurog ang kalsada namin, helpless ang mga mayor sa overloading. Iyung mga contractors na kausap ko naghihintay ng sagot sa problema nila.”
Sa kanyang bahagi, binanggit ni Cuyapo Mayor Jose S. Hidalgo Jr., isang retiradong police general at dating hepe ng Police Regional Office 3 sa Gitnang Luson, na kailangan ang “strong political will” sa pagpapatupad ng pagbabawal laban sa mga overloaded na sasakyan.
Binanggit niya ang ginawa ni dating Pampanga Gov. Dennis “Delta” Pineda nang ipagbawal nito ang pagpasok at pagdaan ng mga overloaded trucks at pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng Anti-Overloading Act para protektahan ang mga kalsada at tulay sa lalawigan noong Agosto 2022.
“Siguro kailangan ang political will ng implementor kung kaya nating banggain ang mga malalaking contractors na iyan,” saad ni Hidalgo.

