Calendar
Economic Cha-cha makakatulong mabawasan kahirapan sa bansa—Garin
MAKAKATULONG umano ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon upang dumami ang trabaho at umangat ang ekonomiya ng bansa na makababawas sa mahihirap na pamilya.
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa isang regular na press conference nitong Huwebes sa Kamara de Representantes.
Muling iginiit ni Garin ang kahalagahan na maamyendahan ang Konstitusyon upang mapayagan ang Kongreso na magpasa ng mga batas kaugnay ng magiging limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa.
“Payagan nating umangat ang bawat pamilyang Pilipino kasi sa pag-angat nila makakatulog tayo ng mahimbing at kapag tayo ay may marami nang mga apo sa tuhod, masasabi natin, we did our obligation to our people,” sabi ni Garin.
Noong Miyerkoles ay inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7) na naglalayong amyendahan ang probisyon ng Konstitusyon kaugnay ng public utilities, edukasyon, at advertising.
Sa susunod na linggo ay maaaring aprubahan ng Kamara ang RBH 7 sa ikatlo at huling pagbasa.
Umaasa si Garin na kikilos ang Senado upang aprubahan din ang panukala.
“Sana nga lang gumalaw rin iyong Senado. Kasi bawat araw, bawat buwan, bawat taon at mag e-eleksyon ulit, ano ang sasabihin natin sa taong bayan?” sabi ni Garin.
Sinabi ni Garin na malaki ang maitutulong ng pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa bansa upang bumaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain, kuryente, internet, at maging public transportation.
“Our decisions and actions should be directed to what is good for our people,” dagdag pa ni Garin.
Sinabi ni Garin na dapat itama ang pag-iisip na dapat manatili ang kahirapan para manatili sa kapangyarihan.
“To stay in power, you have to let the people remain in poverty. That is the wrong kind of governance,” saad pa ni Garin.
Sinabi ng lady solon na hindi dapat popularidad ang nagdidikta sa kahahantungan ng eleksyon kundi kung ano ang kailangan ng bansa.
Dapat ding umanong ibasura ang duda na mayroong motibong political ang economic Charter change.