Calendar

EDSA may mga bagong patakaran bago i-rehab–MMDA
MAGPAPATUPAD ng mga bagong patakaran ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA para maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko dahil sa pagsisimula ng rehabilitation ng highway simula sa Hunyo 13.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, simula sa Hunyo 16 simula na ang dry run sa 24/7 odd-even scheme sa EDSA.
Hindi papayagang dumaan sa EDSA tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes ang mga sasakyang nagtatapos ang numero ng plaka sa 1, 3, 5, 7 at 9.
Ang mga sasakyan namang nagtatapos ang numero ng plaka sa 2,4,6,8, at 0 hindi papayagang tumahak sa EDSA ng Martes, Huwebes at Sabado.
Umaasa si Artes na mababawasan ng 40% ang sasakyang tatahak sa EDSA habang ang regular na number coding ay mananatili pa rin sa ibang mga lansangan sa Metro Manila.
Isa pa sa bagong patakaran ang pagbabawal sa mga provincial buses, mga truck na may kargang nasisirang produkto, trak ng basura at aviation fuel delivery trucks na tumahak sa EDSA ng mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.
Sinabi naman ni DOTr Secretary Vince Dizon na padaragdagan nila ng bus ang EDSA Bus Carousel at train sa MRT-3, pati na ng hindi na pagsingil sa mga daraan sa Skyway Stage 3.
Samantala, iniulat ni Chairman Artes na sa unang araw ng pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, nakahuli sila ng 437 na mga violators.