Yamsuan

‘Education, training ng mga pasaway na pulis tutukan’

Mar Rodriguez Sep 5, 2023
118 Views

PINAPA-ALALAHANAN ni BICOL Saro Party List Congressman Bryan Raymund S. Yamsuan ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na kailangan nilang tutukan edukasyon at training ng mga Kapulisan sa gitna ng mga nakakahiya at nakaka-demoralisang gawain ng ilang tiwaling pulis.

Sinabi ni Yamsuan na dapat mas tutukan pa ng husto ng PNP leadership ang edukasyon at pagsasanay ng mga Kapulisan matapos ang sunod-sunod na kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang tiwaling pulis kabilang dito ang kasong kinasangkutan ng mga tauhan ng Navotas City police.

Ipinaliwanag ni Yamsuan na natuklasan din mismo sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety na ilang opisyal ng pulis ang naakusahang nagsasagawa umano ng illegal drug buy-bust operations. Kung saan, lumabas din na kulang sila sa police operational procedure.

Ayon kay Yamsuan, nang tanungin nito ang team leader na nanguna sa drug buy-bust operations. Napag-alaman ng mambabatas na hindi kailanman sumailalim sa proper training o refresher course sa police operational procedure ang police team leader mula ng pumasok ito sa PNP noong 2010.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na ipinapakita lamang ng pangyayaring ito na kulang na kulang at hilaw sa proper training ang mga Kapulisan. Kung kaya’t hindi na nakakapagtaka kung may ilan sa kanila ang nasasangkot sa kontrobersiya na lalo lamang nagpapa-dungis sa uniporme ng mga pulis.

Sinabi pa ni Yamsuan na dahil sa kakulangan ng sapat na education at training para sa mga Kapulisan. Kaya hindi na umano nakakapagtaka kung bakit may mga pulis ang sumasabit sa mga kaso gaya ng kaso ni Jerhode Jemboy Baltazar na napagkamalang criminal ng mga Navotas City police.

“So in his 13 years in the service. He never underwent the mandatory training required of police officers. This lack of training and continuing education in the PNP is among the reasons why problems occur during police operations. Why there are missteps and irregularities committed,” sabi ni Yamsuan.