Martin1

Educational assistance alay ni Speaker Romualdez,  Tingog sa mga mag-aaral ng Tolosa

178 Views

MAGKATUWANG sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre, at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagkakaloob ng P5,000 education assistance ngayong Huwebes sa may 900 kuwalipikadong estudyante ng Tolosa, Leyte.

Sa maikling mensahe ni Speaker Romualdez sa mga mag-aaral, sinabi nito na ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ay isa sa mga social program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang programa na suportado ni First Lady Louise Araneta Marcos ay isa umanong patunay sa pagnanais ng Marcos Jr. administration na makatulong sa mga nangangailangan, ani Speaker Romualdez.

“Mahal na mahal nila ang buong Pilipinas at ang mga kabataang Pilipino,” sabi ni Romualdez

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pamimigay ng tulong pinansyal na ginanap sa Tolosa Civic Center, kung saan nakasama nito sina Tolosa Mayor Erwin Ocaña, Vice Mayor Menardo Mate, Raquel Bateoolosa na kumatawan sa DSWD at iba pang lokal na opisyal ng Tolosa.

Una nang nakapagpaabot ng P5,000 financial assistance sa ilalim ng AICS sa may 2,000 batang benepisyaryo sa Tacloban. Ang paglalabas ng P10 million cash aid ay napadali sa tulong nina Speaker Romualdez, and Tingog Reps. Romualdez and Acidre.

Nangako naman si Rep. Yedda, Chairperson ng House Committee on Accounts, na ipagpapatuloy ng Tingog ang pagbibigay serbisyo sa mga Leyteños, Samareños, iba pang bahagi ng Eastern Visayas at iba pang panig ng bansa sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng DSWD.

Bilang lider naman ng Kamara de Representantes, ipinangako ni Speaker Romualdez ang patuloy na pagtulong sa administrasyong Marcos para maipaabot ang kinakailangang tulong sa mga nangangailangan Pilipino sa pamamagitan ng pagtututok sa budget.

“Ang budget ay lahat ng nakolekta at naipon natin na buwis sa buong bansa at yan po ay dini-distribute natin sa taong bayan,” paliwanag ni Romualdez.

Sinabi rin ni Speaker Romualdez na bawat distrito at party-list group ay mayroong kaniya-kaniyang kinatawan upang masiguro ang patas na alokasyon ng programa, serbisyo at proyektong imprastraktura ng national government.

“Yan po ang trabaho namin bilang congressman at ako, bilang Speaker, namumuno diyan (sa Kongreso) Wala kaming ginagawa araw-araw kundi isipin ang para sa kabuhayan ninyo, ang kabutihan ninyo, o ang kalusugan ng aming mga constituents, tulad ninyo dito sa Tolosa,” dagdag pa ni Romualdez.

Katunayan marami aniyang nakalinyang proyekto para sa pagpapaunlad ng Eastern Visayas at kalapit bayan at kumpiyansa siya na ang mga ito ay susuportahan ni Pang. Marcos.

“Si President Ferdinand R. Marcos, Jr., yung ‘R’ ibig sabihin ay Romualdez. So hindi yan Ilocano lang. Fifty percent Ilocano, fifty percent Waray—taga rito sa Tolosa,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.