Chua Manila Rep. Joel Chua

EJK CASE VS VP SARA MALAKAS

13 Views

ANG kasong extrajudicial killings (EJK) laban kay Vice President Sara Duterte, na nakapaloob sa Articles of Impeachment, ay may matibay na testimonial evidence at maaaring humantong sa conviction, ayon sa isang House prosecutor nitong Lunes.

Kinumpirma ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution panel at chair ng House committee on good government, na ang Article 5 ng impeachment complaint—na inaakusa si Duterte ng high crimes, kabilang ang murder at conspiracy to commit murder—ay suportado ng direktang testimonya ng dating Davao police officer na si Arturo Lascañas.

“Kung hindi po ako nagkakamali, ‘yan po ay nasa Article 5 ng ating impeachment complaint. In so far as we are concerned, mayroon pong testimonial evidence na si Lascañas. So may direct evidence na nagpapatotoo nito,” ani Chua sa isang press conference.

Binigyang-diin niya na ang presensya ng direktang testimonial evidence ay nagpapalakas sa kaso laban sa bise presidente.

“Kaya po kung tatanungin ninyo kung gaano kalakas dahil mayroon po testimonial evidence, eh masasabi ko na matibay at malakas po,” dagdag niya.

Nang tanungin kung may kumpiyansa ang prosekusyon na maaaring humantong sa conviction ang EJK-related charge, naging direkta ang sagot ni Chua.

“Tama po kayo,” sagot niya.

Ipinaliwanag ni Chua na maingat nilang pinag-aralan at pinili ang mga isinampang reklamo laban kay Duterte upang matiyak na ang mga pinakamalalakas na alegasyon na may sapat na ebidensya lamang ang kasama.

“Well, unang-una talaga kung ako po ang tatanungin ang pinakamatibay po dyan ‘yung Article 1 to 3. Pero ito po kasing dito sa sinampa po namin sa Articles of Impeachment, pito lamang po ito.

At ito po talaga ay pinag-aaralan at pinili from the previous na mga complaint at saka tiningnan po namin kung ano sa tingin namin talagang backed with evidence,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, ang Article 5 ay kinabibilangan ng sworn statement ni Lascañas ukol sa umano’y papel ni Duterte sa madugong anti-crime campaign sa Davao noong siya pa ang alkalde.

“Meron syang binanggit eh, which was quoted in that article pero hindi ko masyadong ma-recall. Pero kinuha ‘yan sa Quad Comm. Sa Quad Comm po kinuha ‘yun,” wika ni Chua.

Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay binubuo ng pitong kaso na hinati-hati sa mga House prosecutors upang mapag-aralan at maihanda para sa presentasyon sa Senado.

“Patuloy pa rin po no. Kagaya nung nakaraan, hinati-hati na po ‘yung articles. Kung saan po ang bawat isa ay may mga assignment and at the same time pinag-aaralan ‘yung mga substansya ng bawat article at kung ano pa ‘yung possible na mga legal issues na amin pong kakaharapin,” aniya.

Kinumpirma rin ni Chua na siya ang inatasang humawak sa mga kaso kaugnay ng misuse of confidential funds at bribery.

“Sa akin po, 2 at saka 3. ‘Yung confidential fund at saka ‘yung sa bribery,” saad ni Chua.

Samantala, ang iba pang House prosecutors ang humawak sa natitirang articles, kabilang ang EJK-related charge sa ilalim ng Article 5.

“Kung ‘di ako nagkakamali si Cong. Lawrence (Defensor) at saka si, meron pang isa, dalawa ‘yan eh. Hindi lang ako sure kung si Cong. Rodge or kasama ko si Cong Rodge (Gutierrez). But definitely kasama ko si Cong. (Romeo) Acop at saka si Congresswoman Jinky (Luistro),” pahayag ni Chua.

Habang umuusad na ang impeachment process, tiniyak ni Chua na patuloy na naghahanda ang prosecution team para sa Senate trial at sisiguraduhin nilang maipapakita at madedepensahan nang maayos ang lahat ng ebidensya.